KAKAIBA talaga si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa lahat ng naging presidente ng Pilipinas. Siya lang yata ang Punong Ehekutibo na nagmura sa isang Santo Papa, sa isang pangulo ng Amerika, sa UN Secretary General. Nais din niyang kumawala sa pagkakasandig sa United States at nagpapakita ng pagkiling sa China at Russia na kalaban ng US.

Siya rin ang tanging pangulo na tumanggap at nagpapasok sa Malacañang sa matataas na lider ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa layuning maayos ang usapang-pangkapayapaan ng gobyernong Pilipino at Kilusang Komunista. Maganda at kanais-nais ang layuning ito, KAPAYAPAAN.

Siya rin yata ang pangulo na personal na nakikipag-away at umaatake sa isang babaeng mambabatas (Sen. Leila de Lima) at binubulatlat maging ang sexual life ng senadora sa halip na magtuon sa mga isyung pambayan. Sa galit na kimkim dahil sa pag-iimbestiga noon ni Sen. Leila sa Davao Death Squad (DDS) noong siya pa ang CHR chairperson, hindi ito nalimutan ni Mano Digong kung kaya hanggang ngayon ay panay ang banat niya.

Pinatindi pa ito nang magsagawa ng inquiry ang Senate Committee on justice and human rights na pinamumunuan ni De Lima tungkol sa extrajudicial killings kaugnay ng inilulunsad na police operations laban sa illegal drugs. Sa pagdinig, iniharap ni De Lima si Edgar Matobato, miyembro umano ng kilabot na DDS, na nagsangkot kay Duterte sa pagptay sa may 1,000 pushers, users at kriminal. Dahil dito, tinanggal si De Lima bilang puno ng nasabing komite at pinalitan siya ni Sen. Richard Gordon.

Well, kung saan dadalhin ng matabil na dila ni President Rody ang Pilipinas sa loob ng anim na taon kaugnay ng isinusulong niyang “foreign independent policy”, hindi pa natin ganap na malalaman ngayon. Gayunman, sinabi niya na sa 2017, magtatatag siya ng “new alliances” sa China at Russia bilang paghahanda sa posibleng fall-out at withdrawal ng US sa Pilipinas.

Hindi ba nakapagtatakang sinasakop ng China ang mga teritoryo natin sa West Philippine Sea, itinataboy ang ating mga mangingisda sa Panatag Shoal na kaylapit lang sa Masinloc, Zambales, hindi naman lamang nakatikim ng mura si Chinese President Xi Jinping? Sa halip, iginigiit ni RRD ang pakikipagrelasyon sa China komo nagalit siya kay Pres. Obama dahil sa banta na uusisain siya sa Laos tungkol sa human rights violations at extrajudicial killings sa ‘Pinas. Takot ba siya sa China at pinagseselos ang US. (Bert de Guzman)