IPINALIWANAG ng aming kaibigang mambabatas na may konek sa showbiz kung bakit pawang starlets pa lang ang nahuhuli sa isinasagawang buy-bust operations.

Kung hindi nga lang natiyempuhan si Mark Anthony Fernandez sa isang checkpoint sa Pampanga, wala pang malaking pangalan na mahuhuli.

Banggit pa niya sa amin, bagamat may mga sikat at kilalang artista sa nakitang listahan ng drug personalities sa showbiz ay mas nauna nga raw natimbog ang mga starlet.

“Kasi karamihan sa mga kasama sa listahan, eh, walang ginagawa ngayon at ‘yung mga sikat, eh, medyo busy at medyo nahihirapan ang mga otoridad na madiskartehan para mahuli sa akto,” sey ng kausap namin.

Tsika at Intriga

Nakaranas ng binat: Kylie Padilla, apektado sa nanay na sinunog 3 anak

Dagdag pa niya, hindi naman daw dapat pagtakhan kung bakit puro starlet ang nahuhuli.

“Darating din naman siguro na bubulaga na lang ang balita na isa o dalawa o higit pang sikat na artista ang tiklo na rin dahil sa droga,” sey pa rin niya.

Salungat naman ang masipag na congressman sa apela ng Actor’s Guild of the Philippines at ilan pang kilalang haligi ng pelikulang Pilipino na huwag nang isapubliko ang pangalan ng mga artistang sangkot sa illegal drugs.

“Kung ang mga wala sa showbiz at masasabi nating maliit na tao, eh, pinangalanan, dapat din na gawin din natin ‘yun sa mga artista. Sila dapat ang maging ehemplo sa mga fans nila,” katwiran ng kausap namin.

Lahad pa niya, may karapatang magreklamo ang mga pinangalanan na gumagamit ng mga ipinagbabawal na gamot sa ibang larangan at magiging unfair sa kanila kapag itinago lang ang pangalan ng mga artistang kasama sa listahan.

“Dapat maging patas ang administrayon ni Pangulong Rodrigo Duterte,” sey pa niya sa amin.

Ang ipinagtataka lang ng kausap namin, kahit may mga nahuhuli nang mga-taga showbiz, parang wala pa ring naramdamang takot ang drug personalities sa showbiz.

“Kelan pa ba sila magsisisi, kapag nakakulong na sila at nabulgar na sa publiko ang mga ginagawa nila? Kaya dapat lang na ituloy na pagbulgar sa pangalan ng mga taga-showbiz na involved sa masamang gawain na ‘yan,” hirit ng kausap namin.

Panigurado pa ng kausap namin, after Sabrina M at Krista Miller ay minamatyagan na rin ngayon ang isang dating sexy actor na lumalabas pa rin naman paminsan-minsan sa teleserye at indie movies. (Jimi Escala)