Lumagda sa petisyon ang 98 mambabatas, kung saan ipinoprotesta ng mga ito ang budget cut sa mga pampublikong ospital na posible umanong makaapekto sa pagdedeliber ng mahusay na serbisyo sa mahihirap.
Pinangunahan ng Makabayan lawmakers ang petisyon upang sagipin ang kinaltas na badyet para sa 26 national hospitals at marami pang government unit facilities.
Sa press conference, sinabi ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio na sa 70 government hospitals, 68 ang kinaltasan ng badyet para sa maintenance at operating expenses sa 2017.
“Almost all of the government hospitals suffered cuts. Sasabihin ng DoH malaki ang income ng mga hospitals pero ‘yung income ng mga hospitals kinukuha din sa sinisingil nila sa pasyente at ito ay taliwas sa gustong mangyari ng Duterte administration na free healthcare services,” ayon kay Tinio.
Sa 2017 panukalang General Appropriations Act, P446.8 milyon ang budget cut sa 12 specialty hospitals pa lang.
(Charissa M. Luci)