BAGUIO CITY – Nakatuon ang pansin sa hidwaan ng Manila Southwoods-Masters at Cebu Country Club sa pagpalo ng 11th Philippine Airlines (PAL) Ladies Interclub golf team championship simula ngayon sa Camp John Hay Golf Club dito.

Target ng SW-Masters na dugtungan ang kasaysayan sa prestihiyosong torneo na kanilang nadomina sa nakalipas na limang season, habang muling tatangkain ng Cebu – runner-up sa nakalipas na dalawang taon – na agawin ang korona sa Laguna-based rival.

“It’s going to be tight, that’s for sure,” sambit ni SW-Masters playing captain Claire Ong.

Sa Bacolod City edition sa nakalipas na taon, umiskor ng 54 puntos si Abby Arevalo para sandigan ang apat na puntos na panalo ng SW-Masters kontra CCC.

Tatay kay Karl Eldrew: 'Tahimik mong ipanalo mga pangarap mo, dito kami ng Mama mo!'

Hindi makalalaro si Arevalo dahil sa iskedyul ng pag-aaral sa abroad, ngunit nanatiling matikas ang line-up ng SW-Masters.

Pangungunahan ang SW-Masters ni multi-titled amateur Pauline del Rosario, runner-up kay pro Princess Superal sa ICTSI Eagle Ridge Ladies Invitational sa nakalipas na linggo.

Makakasama ng 17-anyos na si Del Rosario sina junior standouts Mikhaela Fortuna, Bernice Ilas at Sofia Chabon. Sina Fortuna, 15, at Ilas, 14, ay tumapos sa ikaapat at ikaanim, ayon sa pagkakasunod, sa torneo sa Eagle Ridge kamakailan, habang si Chabon, 15, ay kabilang sa koponan na nagwagi sa nakalipas na season.

Kabilang din ang mga beteranong sina Lora Roberto, Serafina Kim, at Andrea Pineda.

Batay sa format, apat na player ang palalaruin kada koponan at ang mangungunang tatlong player lamang ang makakasama sa bilangan. Papayagan din ang isang player na makalaro ng dalawa sa apat na round.

“We aim to field a balanced lineup each round. Our goal is to let everyone play in the first two rounds and take it from there,” sambit ni Ong.

Hindi rin makalalaro sa CCC ang pambatong si Lois Kaye Go, ngunit matibay ang magkapatid na sina Junia at Irina Gabasa kasama sina playing captain Mary Kim Hong, Crystal Faith Neri, Riko Nagai, Catrina Martinez, Jyra Wong, at Ryoko Nagai.

May kabuuang 32 koponan, kabilang ang foreign team Papua New Guinea, ang sasabak sa apat na araw na torneo na nakataya rin ang korona sa Founders, Sportswriters, at Friendship class.

Itinataguyod ang torneo ng Solar Entertainment Corp., Airbus, Mareco Broadcasting Network, People Asia, Manila Broadcasting Corp, Fonterra, Mega Fiber, Mastercard, Tanduay Distillers at Zalora.