Ni Ben R. Rosario
Inihayag ni Speaker Pantaleon Alvarez na inuumpisahan na nitong balangkasin ang panukalang batas na naglalayong payagan ang same-sex marriage sa bansa, kung saan inaasahan niyang mapagtitibay ito sa 17th Congress.
Sinabi ni Alvarez na siya ang tatayong pangunahing may-akda sa panukala na ayon sa kanya ay inaasahang hahakot ng oposisyon mula sa iba’t ibang sektor, partikular na sa simbahang Katoliko.
“Kung happy sila (third sex) doon, why shouldn’t you support them. I already ordered the preparation of the bill,” ayon kay Alvarez sa isang press conference.
“Wala namang walang oposisyon, but the beauty of democracy is we can argue. We can disagree but at the end of the day, it is still the majority that prevails,” dagdag pa ng House leader.
Samantala hindi pa man naihahain ang panukala, kinontra na ito nina Deputy Speaker Fredenil Castro (PDP-Laban, Capiz) at Buhay Partylist Rep. Lito Atienza.
Sinabi ng dalawa na bukod sa labag sa Saligang Batas ang panukala, hindi ito naaayon sa religious teachings.
“We thought all along that his priority is federalism and constitutional amendments. Insisting on pursuing same-sex marriage would only disrupt the legislative meal and threaten the enactment of said priorities,” ayon kay Atienza.
Sa same-sex marriage na isusulong ni Alvarez, sinabi nito na ‘civil aspect’ lang umano ng legal union ang ibibigay ng Kongreso. Samantala maipatutupad ito sa pamamagitan ng pag-amiyenda sa Family Code.