GANOON na lang ang pag-apela kay Pangulong Rodrigo Duterte ng pangulo naman ng Katipunan ng mga Artista sa Pelikulang Pilipino at Telebisyon (KAPPT) na si Rez Cortez tungkol sa pagsisiwalat sa pangalan ng mga taga-showbiz na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Sa panayam kay Rez sa DZMM, sinabi niya na suportado ng kanilang kapisanan ang programa ni Duterte sa pagsugpo sa illegal drugs. Pero hindi naman daw makakatulong, at sinigurado niyang hindi raw magiging epektibo, kung basta-basta na lang ilalabas ang pangalan ng mga artistang kasama drug list.
Banggit pa ng actor, malaki pa nga raw ang posibilidad na mas malulong pa sa ipinagbabawal na gamot ang papangalanang artista kapag ibinulgar sa publiko ang pangalan ng mga ito.
Katwiran pa ni Rez, kapag lumabas na sa mga diyaryo ang pangalan ay tiyak mawawalan ng trabaho ang mga ito.
“Well, drug user lang naman, so, ano ang dapat gawin? Dapat na tulungan natin ang mga drug user. Hindi ‘yung lalo natin silang ipinahamak,” sey pa ng actor.
Puwede naman daw silang matulungan sa pamamagitan ng pagpapa-rehab, puwedeng magpa-detox at sasamahan na rin ng livelihood assistance.
“Hindi p’wede ‘yung ibubulgar agad sa publiko. Kasi sa totoo lang naman, eh, ‘yung iba diyan, kaya pumasok sa pagda-drugs kasi walang trabaho, walang magawa, so, nagiging escapist ‘yung kanilang outlet,” lahad pa ni Rez.
Ibinulgar na ng VACC na may 50 artista na kasama sa ikatlong drug list na ilalabas ni Pres. Duterte any day soon.
Tiniyak din mismo ni PNP Director Gen. Ronald de la Rosa na handang-handa na ang pulisya na isailalim sa Oplan Tokhang ang sinumang nasa listahan. (Jimi Escala)