ANG ika-5 ng Setyembre hanggang ika-5 ng Oktubre sa iniibig nating Pilipinas ay National Teachers’ Month o Pambansang Buwan ng mga Guro. Ang pagpapahalaga sa mga guro ay pinatingkad pa ng Presidential Proclamation No. 242 na nilagdaan ni dating Pangulong Noynoy Aquino noong Agosto 24, 2011.
Batay sa proklamasyon, mula Setyembre hanggang Oktubre 5 taun-taon ay National Teachers’ Month. Ang tema ngayong 2016 ay, “Guro: Kabalikat sa Pagbabago”. Tuwing Oktubre 5 ipinagdiriwang ang World Teahers’ Day.
Bilang pagpapahalaga at pagpupugay sa mga guro na itinuturing na mga bayani ng silid-aralan at pangalawang magulang ng mga batang kanilang tinuturuan at hinuhubog ay may inilulunsad na mga programa kapag sumapit na ang National Techers’ Month at World Teachers’ Day. Noong Setyembre 30, ang Department of Education (DepEd) ay nagkaroon ng sabay na programa para sa mga guro upang ipakita ang pagpapahalaga sa napakahalagang tungkulin sa pagpapatupad ng mga reporma sa edukasyon sa bansa. Ang isa ay ginanap sa Cuneta Astrodome sa Pasay City. Pinamahalaan ng DepEd National Capital Region (NCR) at Ateneo de Davao University sa Davao City na pinamahalaan ng DepEd Region XI.
Ayon kay NCR DepEd Director Ponciano Menguito, ang pagdiriwang ng National Teachers’ Month ay isang paraan ng pasasalamat at pagpapahalaga sa pagsisikap at sakripisyo ng mga guro na mahubog ang pandigdigang pagkatuto ng mga mag-aaral. Hindi matutupad at magkakaroon ng kabuluhan ang mga programa ng DepEd kung wala ang mga guro. Pinasalamatan naman ni DepEd Secretary Leonor Briones ang mga guro sa matapat na paglilingkod, sa pagtatatag ng komunidad at pagusulong sa bansa at sa pamayanan ng pagpapabuti sa kakayahang matuto at mapalawak ang kaalaman ng mga mag-aaral.
Sa Rizal, ang sabay na pagdiriwang ng National Teachers’ Month at ng World Teachers’ Day ay nakatakdang gawin sa Oktubre 6 sa Ynares Center sa Antipolo City. Pangungunahan ang pagdiriwang ni Dr. Marites Ibanez, DepEd Rizal Division Supt. Ang mga panauhing tagapagsalita ay sina Rizal Gov. Nini Ynares at Dr. Diosdado San Antonio, DepEd Calabarzon Director. Bahagi ng pagdiriwang ang World Teachers’ Day competition at ang pagbibigay-parangal sa mga natatanging guro ng DepEd Rizal.
Ang World Teachers’ Day na idinaraos tuwing ika-5 ng Oktubre ay bilang pagsunod nang lagdaan ang isang kasunduan noong 1966 ng UNESCO ( United Nations Education, Scientific and Cultural Organization) at ng International Labor Organization (ILO) na nagsasaad ng mga rekomendasyon sa pag-aangat ng kalagayan ng mga guro. Hinimok ng UNESCO ang mga paaralan, pamahalaan at mga pribadong samahan na magsagawa ng gawaing magpapakita ng pagpapahalaga sa mga kontribusyon ng mga guro sa edukasyon at pambansang kaunlaran. Ang ika-5 ng Oktubre ay inilaan upang ipagdiwang ang propesyon ng mga guro at ang kanilang pangunahing gawain sa pagsubaybay sa mga kabataan sa pagtahak sa proseso ng habambuhay na pagkatuto. Unang ipinagdiwang ang World Teachers’ Day ay noong Oktubre 5, 1994. Ang tema ng pagdiriwang ay “My Teacher, My Hero”.