MARAMI ang natuwa sa pagbabalikan nina Melai Canteveros at Jason Francisco. Pinangatawanan ni Melai ang binitiwang salita na aayusin niya ang pagsasama nilang mag-asawa.
Nabuo nang muli ang kanilang pamilya.
Matandaang dahil sa pagiging seloso ni Jason ay nagkahiwalay ang mag-asawa nitong nakaraang Hulyo. Hindi niya nagustuhan na binigyan ng leading man si Melai sa seryeng We Will Survive sa katauhan ni Carlo Aquino at lumaki nang lumaki ang problema nilang mag-asawa nang hindi mapagbigyan ang kahilingan niya na tanggalan ng partner ang asawa.
Anyway, mabuti naman at naayos na nila ang problema nila. Pagkatapos mag-away at maghiwalay, nagkabalikan na sila.
Sey ni Jason, umpisa raw ngayon ay makakaasa na ang mga kaibigan at fans ng Melason na lalawakan na niya ang kanyang pag-iisip at hindi ‘yung basta-basta na lang maniniwala sa anumang naririnig, huh! Nangako ang aktor na magiging maunawain na siya lalo na kung may kinalaman sa career ng kanyang asawa.
Ang mas nakakatuwa, tatlong buwang buntis si Melai sa kanilang magiging pangalawang supling. Ang kanilang panganay na si Amelia Lucille ay dalawang taon na noong Abril.
Ayon sa mag-asawa, wala pa silang idea kung babae o lalaki ang susunod nilang anak.
“Sayang nga talaga dahil hindi pa namin tiyak kung babae nga o lalaki ang susunod naming magiging baby. Kumbaga, gusto sana naming malaman ngayon kung pambabae ba o panglalaki ang bibilhin naming gamit para sa bata,” sey ni Melai.
“Sana lang lalaki naman this time. At alam n’yo na ‘yun kung bakit gusto ko, eh, ‘yung lalaki naman sana,” napangiting banggit naman ni Jason. (Jimi Escala)
