Pinawi kahapon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang pangamba ng mga residente ng Pangasinan sa posibleng pagtama ng tsunami kasunod ng magnitude 6.0 na lindol sa lalawigan, nitong Linggo ng gabi.
Sinabi ni Phivolcs Director Renato Solidum, Jr. na wala silang itinaas na tsunami warning alert kasunod ng paglindol sa Bolinao dakong 9:40 ng gabi.
Aniya, kahit naramdaman sa karagatan at mababaw ang pinagmulan ng pagyanig ay hindi na kailangang maglabas ng tsunami warning alert, na ginagawa lang kapag umabot sa magnitude 6.5 ang lindol.
Ayon sa kanya, naramdaman ang lindol sa karagatan ng Bolinao at posible umanong resulta ito ng paggalaw ng Manila Trench fault.
Bukod sa Pangasinan, naramdaman din ang intensity 5 sa Bolinao; intensity 4 sa Lingayen, Alaminos City, Sual, at San Fabian sa Pangasinan, gayundin sa Alilem, Ilocos Sur.
IntensIty 3 naman ang naramdaman sa San Carlos City at Dagupan City sa Pangasinan, at sa Emilio sa Ilocos Sur; Intensity 2 sa San Fernando City at Bauang sa La Union, sa Baguio City, sa Makati City, sa Pasig City, sa Quezon City, at sa Pasay City; at intensity 1 naman sa Vigan City (Ilocos Sur), Olongapo City (Zambales) at Baler (Aurora).
(Rommel P. Tabbad)