IPINAGDIRIWANG ngayon ng Simbahan ang kapistahan ng isa sa pinakabanal na personalidad sa tradisyong Katoliko—si Saint Francis of Assisi. Kinikilala siya ngayon dahil sa kanyang pagmamahal sa kalikasan, kaya naman ginawa siyang patron ng ecology. Ang encyclical ni Pope Francis tungkol sa pangangalaga sa planeta ay ipinangalan sa “Canticle of Creatures” ng santong ito — ang Laudato Si ’— Praised Be to You.
Kilala rin ang santong ito mula sa Italy dahil sa kanyang pagmamahal at pakikisa sa mahihirap at sa mga “little one” sa lipunan. Kasama si Saint Catherine of Siena, ikinokonsidera siyang patron ng Italy.
Isinilang noong 1181 sa Assisi, sa gitnang Italy, sa isang pamilya ng mangangalakal na may maginhawang pamumuhay, sinanay si Francis upang pangasiwaan ang negosyo ng kanyang ama. Gaya ng maraming kabataan ngayon, hindi pinagsikapan ni Francis na matutuhan ang pasikut-sikot ng kanilang negosyo o ang mga aralin niya sa eskuwela, piniling magpakasaya at gastusin sa mga walang kuwentang bagay ang pera ng kanyang ama. Nang simulan ni Francis ang pamimigay ng pagkain at pera sa lahat ng makita niyang pulubi, hindi ito ikinatuwa ng ama niyang si Peter Benardone, bagamat hindi naman nito sineryoso ang ginagawa ng anak.
Naging bilanggo siya sa labanan sa pagitan ng Assisi at Perugia, at matapos na mapalaya ay piniling talikuran ang lahat bilang pagmamahal at pagtalima sa Diyos. Labis itong ikinagalit ng kanyang ama at piniling huwag pamanahan si Francis. Noong 1220, itinatag niya ang new order na sa loob lang ng sampung taon ay nagkaroon na ng libu-libong miyembro. Ang mga tagasunod niya ay tinawag na Friars Minor dahil itinuturing nila ang sarili na pinakamababa sa lahat ng uri ng relihiyon. Bilang pagpapakumbaba, hindi kailanman tinanggap ni Francis ang pagkapari subalit nanatiling dyakono habang siya ay nabubuhay. Labis niyang minahal ang mga likha ng Diyos at tinawag ang mga ito bilang kanyang mga kapatid. Siya ang unang tao na tumanggap ng stigmata (ang limang sugat ni Kristo) noong 1224. Pumanaw siya noong Oktubre 4, 1226, sa Portiuncula, Italy. Ginawa siyang santo ni Gregory IX makalipas ang halos dalawang taon.
Sa maraming simbahan sa bansa at sa iba pang panig ng mundo sa ngayon, bilang pagpupugay kay Saint Francis of Assisi ay magkakaroon ng pagbabasbas sa mga alagang hayop. Labis na kaisa si Saint Francis ng mga nilalang, na ikinokonsidera niya bilang kanyang mga “brother” at “sister.” Ang araw na ito ay isang magandang pagkakataon upang basahin at pagnilayan ang “Canticle of the Creatures” ni Saint Francis, isang obra ng makata at napakagandang panalangin ng pagpapasalamat sa mabuting Panginoon sa lahat ng nilikha nito. Alalahanin natin na obligasyon natin na pangalagaan ang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos at protektahan ang mga ito sa anumang pinsala.
Habang nagdurusa ang mundo, pinakalantad sa masamang epekto ang mga maralita. Ipanalangin at tulungan natin ang mahihirap na malapit din sa puso ni Saint Francis of Assisi. Sikapin nating makiisa sa kanila at maging mga kasangkapan ng kapayapaan at pagkahabag ng Diyos sa kanila. Nawa’y gabayan tayo ni Saint Francis of Assisi sa pagtalima kay Hesus bilang mga personal na saksi sa pagiging maawain ng Diyos.