Ni REGGEE BONOAN

JOMARI ANGELES
JOMARI ANGELES
CURIOUS kami sa gumaganap na kapatid ni Jericho Rosales sa seryeng Magpahanggang Wakas na si Jomari Angeles, kung saan siya nanggaling at kung paano siya nakapasok sa showbiz, kaya nagpa-set kami ng one-on-one interview sa kanya na kaagad naman niyang pinagbigyan.

Nakakatuwa na dahil makulimlim ang araw nang magkita kami, una naming napansin sa kanya ang dala-dala niyang de-tiklop na payong. Kung iisipin, hindi siya nahiyang magbitbit nito?

Wala pa kasi kaming nakitang tunay na lalaki na nagdadala ng payong na de-tiklop, kadalasang jacket na may hoodie o kaya ay malaki at mahabang payong.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Pinansin namin kaagad ang bitbit na payong ni Jomari at tinanong kung parati siyang nagdadala nito.

“Opo, madalas, mahirap po kasing magkasakit, mahal magpaospital,” sagot ng binata.

At dahil nagko-commute lang pala si Jomari, as in nagdidyip at kung nagmamadali o kaya nakabihis ng pormal ay, “Nagu-Uber po ako o kaya Grab.”

Bumilib kami na hindi itinago ni Jomari ang buhay niya sa umpisa pa lang ng aming pag-uusap. Pero kami na mismo ang nagdesisyon na ilihim muna ang ibang bahagi ng buhay niya sa personal na dahilan at dahil wala pa sa tamang panahon, bagamat hindi naman niya hiningi.

Taga-Iligan City, Lanao del Norte ang mama ni Jomari pero sa Philippine Womens University, Taft nag-aral, pagka-graduate ay saka naman siya nito ipinanganak. Sa Laguna siya nag-aral ng elementarya hanggang hayskul at sa De La Salle University sa Maynila siya nagtapos ng Business Management nitong Mayo 2016.

Engineering ang unang course niya pero nag-shift siya sa Business Management, “Kasi po naisip ko at payo rin po sa akin na parang mas kailangan ng engineer sa ibang bansa, eh, ayoko naman pong mag-OFW (overseas Filipino worker) kasi maiiwan ko ang mama ko, ayoko naman po dahil dalawa na nga lang kaming magkasama, so nag-shift na lang po ako.

“At dito ko na rin naisip na mag-artista.  Sobrang hirap po ang dinaanan ko, maraming auditions at workshop po ang dinaanan ko, pinagsabay ko po ang pag-aaral ko at workshop at sa awa ng Diyos, natapos ko lahat at pati pag-aaral ko.”

Sa Sta. Rosa, Laguna nakabili ng bahay ang mama ni Jomari at dahil malayo sa trabaho ay napilitan siyang kumuha ng studio type unit sa Quezon City, malapit sa ABS-CBN.

Sumusunod si Jomari sa naging career path ni Coco Martin, indie actor na nasa mainstream na ngayon.

Sa indie film unang napasabak si Jomari, sa Kabisera (2013) kasama sina Joel Torre, Meryll Soriano, Bing Pimentel at Bernard Palanca sa direksiyon ni Borgy Torre.

Ikalawang project niya ang Kid Kulafu (2015) na tungkol sa buhay ng ni Manny Pacquiao, pinagbidahan nina Buboy Villar, Alessandra de Rossi, Khalil Ramos at Cesar Montano sa direksiyon naman ni Paul Soriano na siya ring producer.

Sinundan ng Babuyan (Depraved, 2016) na si Jomari ang pangunahing bida, sa direksiyon ni Martin Mayuga.

Panghuli ang Ma’ Rosa (2016) na nakasama sa 2016 (69th) Cannes Film Festival at nagpanalo ng Best Actress kay Jaclyn Jose, mula sa direksiyon ni Brillante Mendoza.

Ayon kay Jomari, sumama siya sa Cannes Film Festival sa France kahit hindi naman required.

“Siyempre, Cannes po ‘yun, once in a lifetime experience po, kaya maski po sariling gastos, hiniling ko po ‘yun sa magulang ko,” saad ng binata.

Sina Direk Brillante at Jaclyn lang daw ang libre sa pamasahe at ang ibang sumama tulad nina Maria Isabel Lopez at Andi Eigenmann ay sariling gastos na.

“Umabot din po ng P100,000 ang nagastos ko, kasama na po lahat pati pamasahe.  Bale graduation gift ko po ‘yun mula sa magulang ko,” napangiting sabi ni Jomari.

Memorable sa baguhang aktor ang graduation gift niya dahil nakapaglakad siya sa red carpet na nilakaran din ng Hollywood stars.

Samantala, dumaan sa audition si Jomari para sa papel niyang King sa Magpahanggang Wakas na umeere ngayon sa ABS-CBN pagkatapos ng FPJ’s Ang Probinsyano.

“Kina Direk Ruel (Bayani), Direk FM (Reyes) at kay Sir Nars (Gulmatico) po ako nag-audition, nagustuhan naman po, kaya nakasama ako,” kuwento ng binata.

Thankful si Jomari sa RSB unit sa pagkakasama niya sa primetime teleserye at higit sa lahat, gusto talaga niyang makatrabaho sina Echo at John Estrada na parehong magaling. Naniniwala ang binata na marami siyang matututuhan sa dalawa at siyempre kay Direk FM.

Sino pa ang gusto niya?

“Coco po, John Lloyd (Cruz).”

Sa mga pelikula ni Coco, napanood ni Jomari ang Jay na may frontal nudity si Baron Geisler. Kaya tinanong namin sa baguhang aktor kung kaya ba niya ang frontal nudity.

“Kaya ko po ‘yun,” natawang sagot niya, “kakayanin ko po ‘yun.  Depende rin po sa proyekto po. Sa Ma’ Rosa po, medyo daring po ako ru’n, may love scene po kami ni Kuya Allan Paule.”

Uminom ba muna sila bago nila ginawa ang naturang eksena?

“Hindi po, normal po kami ni Kuya Allan. Nu’ng una po, naiilang ako nu’ng first take kasi siyempre, lalaki. Pero nu’ng second take po, inisip ko na kailangang matapos na ito, let it go. Wala po kaming suot, ako po, walang plaster (sa private part), si Kuya Allan po, nag-plaster po siya.  May tiwala naman po kasi ako kay Direk Brillante na hindi kukunan ‘yung private part po,” kuwento ni Jomari.

At dahil nakagawa na ng lalaki-sa-lalaking eksena, nagtanong kami kung sino ang gusto niyang makasama sa ganito ring eksena.

“Sino ba? Gusto ko po John Lloyd (gumanap ng transgender sa Ang Babaeng Humayo), Jericho at Coco po, favorite ko po ‘yung tatlong ‘yun, eh.  Kaya sila po ang naiisip ko,” saad ni Jomari.

Pinanood niya ang lahat ng pelikula ni Lloydie dahil nga paborito niya.

“’Yun po (rom-com at drama) ang gusto ko sa kanya kasi flexible siya, lalo na sa Honor Thy Father, ang galing po talaga niya. Si Echo po, gusto ko ‘yung Alagwa (2013), gustung-gusto ko po ‘yung Red (2014), magaling po siya ru’n, pati po ‘yung soap na Pangako Sa ‘Yo, sobrang galing niya ru’n kaya idol ko po siya.

“’Tapos si Coco po, lahat ng independent films po niya, napanood ko.”

Tatlo lang ba ang idolo ni Jomari sa local showbiz?

“Sid Lucero po, nagagalingan po ako. Si JM (de Guzman) po at Joel Torre.”

Pawang dramatic actors. Kaya nagbanggit kami ng ibang artista, at ang sabi niya, “Bihira ko po kasi silang mapanood, dati po kasi hindi naman ako mahilig sa artista, ngayon lang po.”

Sino namang artistang babae ang gusto niyang makatrabaho?

“Nagagalingan po ako kay Maja Salvador, Julia Montes din po, magaling, si Yassi Pressman po, nagagandahan ako napapanood ko sa Ang Probinsyano at Camp Sawi. Magaling at nagagandahan po ako, Jasmine Curtis–Smith at Barbie Forteza po, ‘yung kasama po ni Ms. Nora Aunor sa Tuos, sa Cinemalaya 2016 at siyempre Judy Ann (Santos) po.”

Ang Ma’ Rosa ang napiling entry ng Pilipinas para sa Oscars, dadalo ba uli si Jomari?

“Depende po sa schedule kasi po ngayon may trabaho po ako, bahala na po,” napangiting sabi ng binata.

May itinatagong anak o sex video ba si Jomari, na baka biglang maglabasan kapag sumikat na siya?

“Ay, wala po,!” natawang sagot ng binata, “wala po. Hindi ko po alam kung bakit ko naman gagawin ang sex video.  Hindi ko po naisip ‘yun.”

Sa palagay niya, bakit nagagawa ng ibang artista na i-record ang pakikipagtalik nila?

“Siguro po nadadala sila ng kanilang mga damdamin, nadadala sa moment,” natatawang sagot ng binata.

Ano ba ang ibig sabihin ng ‘date’ para sa kanya?

“Dating po ba? Kung ano ang ginagawa ko. Para sa akin po ang definition ko ng date kapag pinagplanuhan ng lalaki, parang ikaw ang nag-isip ng araw na ‘yun. Nagba-vary naman din po, puwedeng manood ng sine or movie date. Pero para sa akin po, ang importante ay ‘yung pinagplanuhan ng lalaki o pinag-isipan,” paliwanag ng aktor.

Konserbatibo at wholesome makipagrelasyon ang binatang tubong Laguna, na nakakatatlong girlfriend pa lang.

“Seryoso po kasi ako. Kasi nakita ko po sa mom ko na noong niloloko siya ng boyfriend niya, kaya ayoko ko pong mangyari sa akin ‘yun, pananaw ko po sa buhay. Gusto ko po, buo ‘pag magkaroon ako ng pamilya, ayoko ko po ng may iba, tulad ng nangyari sa mom ko at stepdad ko,” paliwanag ng binata.

Malalim ang growing up pains ni Jomari, at doon siya humuhugot sa kanyang pag-arte.

Loveless ngayon ang binata dahil alam niyang mahirap pagsabayin ang lovelife at career. Career muna niya ang uunahin niya.

Nakakatuwa ang pag-confide ni Jomari na sa Magpahanggang Wakas teleserye lang siya nakatikim ng malaking talent fee.

“Sa indie film naman po kasi mababa lang, dito sa serye namin, medyo malaki na po kumpara sa dati,” napangiting sabi ng binata.

Ano ang ginawa niya sa unang suweldo niya?

“First kinita ko po sa indie, parang ‘yung half po inilibre ko po mom ko.  Gusto ko lang po ma-experience na ako naman ang magbabayad ng dinner namin. ‘Tapos bumili ako ng cellphone po, kasi ‘yung dati ko, ‘yung lulumain. Kaya bumili po ako ng smart phone kasi matagal ko na pong gustong magkaroon ng smart phone.

“Ngayon po ‘yung kita ko sa Magpahanggang Wakas, naka-save po, wala pa po akong pinagkagastusan. Nag-iipon po ako para sa sasakyan, ‘yun po ang unang plano kong bilhin para may magamit po ako. Ayoko pong manghingi, actually hindi rin naman ako mahinging tao. Parang nasanay ako na kung anong meron ako, kuntento na ako,” pangangatwiran ni Jomari.

Kung hindi lang siya napasok sa showbiz, kuntento na siya sa mga simpleng gamit at damit.

“Dati po, maski ano lang isuot kong damit, walang brand. Pero ngayon po, kailangang magbihis at mag-ayos kaya sa Greenbelt, Robinson’s Magnolia o Trinoma po ako madalas mamili. Sa shoes po, actually hindi po ako masyadong mahilig sa shoes, ‘sakto lang po, lima lang po shoes ko kasama na casual, sneakers at may leather shoes po. Mas concerned po ako sa pang-top. 

“Sa relo po, meron po akong formal watch, graduation gift din po sa akin, Swiss Army po. ‘Tapos may pang-araw-araw din po ako, pero minsan hindi ko po nagagamit, may araw na gusto kong gamitin,” kuwento pa ng binata.

Homebody si Jomari dahil ayaw niyang nag-aaksaya ng pera. Mas type niyang tumambay sa pad niya kapag walang trabaho at nagluluto rin siya ng sarili niyang pagkain, na natutunan niya sa Internet.

“Madali lang po kasi may instructions naman at may ingredients din po,”saad nito.

Pero aminado siyang hindi marunong maglaba.

“May laundry shop po sa tabi ng tirahan ko,” sabi ng binata.

Wala pang masyadong highlight si Jomari sa Magpahanggang Wakas kaya hindi pa namin nakikitaan ng bigat ng acting, pero madalas silang magkaeksena ni Jericho.