Inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang 22-anyos na estudyante makaraang madiskubre sa kanyang bagahe ang 4.8 kilong cocaine na nagkakahalaga ng P25 milyon, nitong Linggo ng hapon.
Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang hinihinalang drug mule na si Jon-Jon Villamin Jr., na nahulihan ng ilegal na droga ilang minuto makaraang dumating sa NAIA Terminal 3, mula sa Dubai.
Si Villamin ay galing sa Brazil at nag-stop over sa Dubai. Nakatanggap umano ang BI ng tip hinggil sa parating na drug mule kaya inabangan na ng mga tauhan ng border monitoring security unit si Villamin, na sakay sa Emirates flight EK 332 na lumapag dakong 4:30 ng hapon.
Nang siyasatin ang bagahe ni Villamin ay nakita roon ang droga na nasa ilalim ng mga damit at candy.
Sa kanyang pahayag, sinabi ng suspek na galing umano sa isang kaibigan ang bagahe. “I am a victim here...I asked them, they said it was safe,” aniya.
Sinabi niyang kukunin umano ng isang ko-contact kay Villamin ang bagahe kapag nasa Pilipinas na siya. (Mina Navarro)