NANG humarap si Secretary Benjamin Diokno ng Department of Budget and Management (DBM) sa Commission on Appointments (CA) noong nakaraang linggo, tumutok ang pagdinig sa kontrobersiyal na Disbursement Acceleration Program (DAP) na ipinatupad ng huling kalihim ng DBM.
Hindi uulitin ng administrasyong Duterte ang pagkakamali ng nakaraang administrasyong Aquino kaugnay ng DAP, pagtitiyak ni Diokno sa CA Committee on Budget and Management na pinangungunahan ni Sen. Juan Miguel Zubiri. Sa loob lang ng 15 minuto, inirekomenda ng komite ang pagkumpirma ng CA kay Diokno, na agad namang inaprubahan. Si Diokno ang unang miyembro ng gabineteng Duterte na kinumpirma ng CA.
Ang masusing pagtatanong ng komite ni Zubiri kay Diokno tungkol sa DAP ay sumasalamin sa pangamba sa posibilidad na ang nasabing budgeting mechanism ng huling kalihim ng DBM, si Florencio Abad, ay taglay pa rin ng bagong budget na binuo ni Diokno.
Matatandaang idineklara ng Korte Suprema na labag sa batas ang DAP sa tatlong aspeto nito—ang deklarasyon dito bilang savings bago pa matapos ang fiscal year upang mailaan ang pondo sa ibang proyekto, ang paglilipat-lipat ng ilang pondo sa mga ahensiya ng gobyerno, at ang paglalaan ng pondo sa mga programang hindi inaprubahan ng Kongreso.
Ang desisyon sa DAP ay inilabas ng Korte Suprema noong Pebrero 2, 2015. Noong Hulyo 8, 2016, isang linggo makaraang magtapos ang administrasyong Aquino, naghain ng mga kasong technical malversation, usurpation of legislative powers, at graft and corruption ang isang grupo ng mga kinatawan ng party-list at isang alyansa ng mga militanteng organisasyon laban kina Secretary Abad at dating Pangulong Benigno S. Aquino III, kaugnay ng paggamit sa DAP simula noong 2011. Noong nakaraang linggo, ipinag-utos ng Ombudsman sa dalawang dating matataas na opisyal ng gobyerno na sagutin ang reklamong technical malversation.
Aabutin ng ilang taon bago maresolba ang nasabing kasong kriminal. Sa ngayon, dapat nating tiyakin na sa bagong proseso ng pagba-budget ay hindi na mauulit ang paglalabas ng pondo na gaya ng ipinatupad sa DAP. Itinuring ng nakalipas na administrasyon ang DAP bilang isang paraan upang mapabilis ang paggastos at mapasigla ang ekonomiya, ngunit nagkaroon ng mga shortcut at hindi angkop na kaluwagan na hindi pinapayagan ng batas.
Tiniyak ni Secretary Diokno na ang lahat ng susunod na taunang budget ay lubos na nakatutupad sa desisyon ng Korte Suprema. Bukod dito, makatutulong ang isang panukalang batas sa pagpapatupad ng reporma sa budget upang masaklaw ito ng mga probisyon ng Freedom of Information executive order ni Pangulong Duterte. Isa itong karagdagang mekanismo laban sa mga pag-abuso sa paggamit ng pondo ng publiko, na matagal nang problema ng pamahalaan.