PATULOY sa pagdausdos (slide) ang halaga ng piso kontra sa US dollar, pinakamababa sa nakalipas na pitong taon. Ano kaya ang dahilan sa pagbulusok ng pera ni Juan dela Cruz laban sa dolyar ni Uncle Sam?
Noong Martes, nailathala na ang palitan ay P48.25-$1. Ang ibinigay na dahilan ay ang kawalang-katiyakan sa global economic slowdown at ang namimintong pagtaas ng interes (interest rate hike) ng US Federal Reserve. Noong Setyembre 16, 2009 naitala ang pinakamababang palitan ng piso na P48.356-$1.
Ayon sa mga ulat, ang halaga ng piso ay sumisid ng 3.5% nitong Setyembre bunsod ng “state of lawless violence” na idineklara ni President Rodrigo Roa Duterte kasunod ng madugong pagpapasabog sa Davao City noong Setyembre 2 na ikinamatay ng 15 katao at ikinasugat ng maraming iba pa. By the way, may nahuli na bang suspek? At ano ang motibo sa pagpapasabog?
Hindi ako eksperto sa English o kaya’y grammarian sa wika nina Hillary Clinton at Donald Trump, pero parang nagtataka ako sa paggamit ng “state of lawless violence”? Meron bang karahasan na legal o “lawful violence”? Palagay ko higit na angkop ang “state of lawlessness” o sa Tagalog ay sitwasyon ng karahasan o kawalan ng batas.
Magugunitang minura ni Mano Digong sina US Pres. Barack Obama (son of a bitch), UN Sec. General Ban Ki-moon (tarantado), at ang European Union (inutil) bunsod ng umano’y pakikialam nila sa mga isyu ng human rights abuses at giyera ng Duterte administration sa illegal drugs. Ang isa rin daw dahilan ng paghina ng halaga ng piso ay dahil sa paglabas ng puhunan ng mga dayuhan o foreign fund outflow sa benchmark ng Philippine Stock Exchange.
Gayunman, inulit at ipinaliwanag ni Bangko Sentral ng Pilipinas Gov. Amando Tetangco na ang patuloy na paghina at paglupaypay ng Philippine peso versus US dollar ay sanhi ng walang katiyakan sa magiging pasiya ng US Federal Reserve at sa lumalakas na demand sa dolyar ni Uncle Sam. Papaano kung sa pagmumura ni RRD sa pangulo ng US at ang indikasyon na makiling na siya ngayon sa China at Russia ay “parusahan” ang Pilipinas sa aspeto ng ekonomiya? Tutulungan ba ng China ang ‘Pinas gayong patuloy ito sa pag-okupa sa Panatag Shoal at pagtataboy sa ating mga mangingisda na daan-daang taon nang nangingisda roon?
Isang pangunahing ekonomista ng Bank of the Philippine Islands (BPI), si Ginoong Emilio Neri Jr., ang nagkomento na posibleng dahilan ng mga investor kung bakit inaalis nila ang kanilang pondo o puhunan sa bansa ay bunsod ng “political concerns” na nangyayari ngayon sa Pilipinas.
Marahil ay medyo nalilito ang mga mamumuhunan, partikular ang mga dayuhan, kung saan pagawi o papunta ang gobyerno ng Pilipinas sa ilalim ni President Rody: Sa China ba o Russia, o mananatili sa US at EU?