ANG mga misteryo ng rosaryo ay nakabatay sa Ebanghelyo ni San Lucas. Ang rosaryo ay maaaring pampublikong panalangin o pribadong debosyon. Sa rosaryo, kabilang dito ang meditation o pagninilay sa mga misteryo ng pagsilang, buhay, kamatayan at muling pagkabuhay ni Kristo. Bagamat ang rosaryo ay panalangin sa Mahal na Birhen, ito’y hindi lamang kay Maria kundi tungkol din kay Kristo. Isang katotohanan tungkol sa ginawang pagliligtas ni Kristo sa sangkatauhan. Sa tuwing tayo ay nagrorosaryo, pinagninilayan natin ang mga misteryo at ang buong misteryo ng kaligtasan.
Noong 1569, opisyal na pinagtibay ni Saint Pope Pius V ang rosaryo at siya rin ang nagpatibay ng kapistahan ng Mahal na Birhen ng Sto. Rosaryo tuwing Oktubre. Si Pope Leo XIII naman ang nagmungkahi ng pagdarasal ng rosaryo tuwing Oktubre. Ayon kay Pope Leo XIII, ang rosaryo ay isa sa pinakamabisang pananalangin ng pakikiusap sa harap ni Maria para sa ikabubuti ng mga nahihiwalay nating mga kapatid.
Sa paglipas ng panahon, iba’t ibang paniniwala at pananaw ang nabanggit tungkol sa rosaryo. May nagsasabing ang rosaryo ay isang makapangyarihang paraan ng pag-uugnay ng pamilya, komunidad o pamayanan at ng mga bansa sa Mistikong Katawan ni Kristo.
May nagsabi naman na ang pagdarasal ng rosaryo ay nag-aatas sa ating sarili ng pananalig at pasasalamat sa Diyos lalo na ang pagninilay ng Doctrilnal Truth o Katotohanang Doktrinal ng 15 misteryo. Ang mga ito’y ang Kanyang pagsilang, paghihirap at kamatayan sa krus at ang Kanyang Muling Pagkabuhay. At sa nadagdag na Misteryo ng Liwanag. May paniwala rin na ang rosaryo ay parang isang kuwintas ng mga rosas. Bawat dalanging sinasambit sa pagdarasal ay isang ispirituwal na rosas na iniaalay sa Mahal na Birhen.
Ayon naman kay Santa Teresita, ang rosaryo ay katulad ng isang tanikalang nag-uugnay ng langit at lupa. Ang isang dulo ay nasa kamay ng Mahal na Birhen. Ang kabilang dulo ay nasa ating kamay. Hanggat dinarasal ang rosaryo ay hindi pababayaan ng Diyos ang daigdig sapagkat malakas ang bisa ng rosaryo sa Kanyang puso.
Sa mga Pilipino naman na may debosyon sa Mahal na Birhen at sa Dakilang Lumikha, ang pagdarsal ng rosaryo ay bahagi na ng kanilng buhay tuwing sasapit ang Oktubre o lumipas man ang nasabing buwan. Kasama na rin sa ipinagdarasal ang mailap na kapayapaan sa buong daigdig at ang pagkakaroon din ng pambansang katahimikan at pagkakaisa ng mga Pilipino rito sa iniibig nating Pilipinas.
Ang mga Katolikong Pilipino, lalo na ang mga relihiyoso, ay nagdarasal ng rosaryo araw-araw sa mga simbahan, sa kanilang tahanan at kung naglalakbay sakay ng eroplano, roro, barko at mga pampasaherong bus at jeep. Hinihiling ang proteksiyon at patnubay ng Mahal na Birhen. At sa buong unang linggo ng Oktubre, maraming bayan sa ating bansa, mga simbahan ang magdiriwang ng kapistahan sa paggunita sa Our Lady of the Rosary o ang Mahal na Birhen ng Sto. Rosario tulad sa Cardona, Rizal, Rosario, Pasig City, Rosario, La Union at iba pang bayan na ang patroness ay ang Birhen ng Sto. Rosario.