Inaasahang makakaharap ngayon ni Edgar Matobato, ang self-confessed hitman ng Davao Death Squad (DDS), ang mga pulis na sinasabi niyang nakasama niya sa DDS noong si Pangulong Rodrigo Duterte pa ang alkalde ng Davao City.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado hinggil sa extrajudicial killings, sisilipin ang kredibilidad ni Matobato na nagdawit sa Pangulo at anak nitong si Paolo sa mga pamamaslang sa lungsod.

Ang 23 pulis ay tinukoy na ni Senator Leila de Lima, na ibinase naman niya sa mga pahayag ni Matobato.

Ayon kay Senator Richard Gordon, chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights, pag-uusapan pa nila kung isasapublliko ang pagtukoy ni Matobato, o sa isang kwarto na lamang.

Pag-akto ni VP Sara bilang 'legal counsel' ni Lopez, 'unconstitutional'-Rep.Chua

Nagkasundo kasi ang komite na pawang mga nakasibilyan ang ihaharap kay Matobato para malaman kung talagang nakasama niya ang mga ito.

Kabilang sa mga pinangalanan ni Matobato na nakasama niya sa DDS sina Sr. Supts. Rey Capote, Tony Rivera, Dionisio Abude at Isidero “Dick” Floribel/Florobel; Chief Inspectors Jacy “Jay” Francia, Fulgencio Pavo at Ronald Lao; Senior Police Officers 4 Arthur Lascanas, Sanson “Sonny” Buenaventura; Senior Police Officers 3 Jim Tan, Jun Laresma, Donito “Pogi” Ubales; Senior Police Officers 2 Enrique “Jun” delos Reyes Ayao at Rizalino “Bobong” Aquino; Senior Police Officers 1 Reynante Medina, Bienvenido Furog, Vivencio “Jun” Jumawan, Jun Bisnar, Gaston Aquino, Bienvenido Laud, Alvin Laud, Roly Engalia at Arnold Ochavez.

Pero, iginiit naman ni Senator Panfilo Lacson na walang ibig sabihin kung maituturo naman ni Matobato ang mga ito dahil natural na itatanggi ng mga pulis na nakasama nila si Matobato. - Leonel M. Abasola