BAGUIO – Kakailanganin ang matinding diskarte ng mga kalahok para makaiskor ng disente sa mapaghamong Camp John hay Golf Club sa pagpalo ng PAL Ladies Interclub simula bukas.

Ayon kay tournament director Henry Arabelo, inilagay ang tee sa sukat ng men’s regular event para sa kabuuang 4,700 yards ang tatahakin ng mga kalahok sa par-69 course.

Target ng Manila Southwoods-Masters na madugtungan ang kasaysayan sa ikaanim na sunod na kampeonato sa Championship Division kontra sa mahigpit na karibal na Cebu Country Club.

Pangungunahan ni Pauline del Rosario, tumapos sa ikalawa sa likod ni Princess Superal sa professional ICTSI tour nitong Biyernes, ang SW-Masters na pansamantalang in iwan ni Abby Arevalo dahil sa kanyang pag-aaral sa United States.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nakopo ni Arevalo, nakakuha ng golfing scholarship sa San Jose State, ang individual champion sa nakalipas na season sa Bacolod City.

Sasandigan naman ang Cebu CC ng magkapatid na Irina at Junia Gabasa bunsod ng pagkalawa ni Lois Kaye Go.

Inaasahan din ang mainitang duwelo para sa Founders, Sportswriters at Friendship Divisions ng 72-hole event.

Batay sa format, bawat koponan ay binubuo ng apat na player na lalaro sa 18-hole round at ang unang tatlong may matikas na iskor ang makakasama sa bilangan.

Itinataguyod ang torneo ng Solar Entertainment Corp., Airbus, Mareco Broadcasting Network, People Asia, Manila Broadcasting Corp, Fonterra, Mega Fiber, Mastercard, Tanduay Distillers at Zalora.