NANG mapasyal ako sa National Bureau of Investigation (NBI), nagulat ako sa isang report hinggil sa reklamo ni Alex Allan, isa sa mga iginagalang kong mamamahayag at editor na retirado na, laban sa manager ng isang kilalang bangko na pinagdepositohan niya ng kanyang retirement pay na aabot sa P1.5 milyon na aniya’y unti-unti niyang ginagamit para sa pagpapagamot ng kanyang asawang may Parkinson’s Disease.
Sa edad na 72 ay mistulang iniwan na ni Manong Alex ang daigdig ng pamamahayag at ang kanyang panahon ay ginugugol na lamang niya sa pag-aalaga sa may sakit niyang kabiyak—kapwa umaasa sa kaunting interest ng kanyang pensiyong nakadeposito sa isang malaking bangko na may sangay sa ’di kalayuan sa Araneta at Quezon Avenue sa Quezon City.
Ngunit dahil sa pangakong mas malaking interest na kikitain ng kanyang perang natutulog lang sa bangko, kapag ipinahiram niya ito sa korporasyong ayon na rin sa manager ng bangko niya ay kliyente rin nila – agad na nag-withdraw si Manong Alex at ibinigay ang pera sa manager na umakong siya raw ang hahawak mismo ng kanyang account kapalit ng “share” nito sa buwanang interest na aabot sa 10%.
Kapalit ng perang winithdraw ni Manong Alex ay dalawang post-dated check – para sa interest at sa kapital na P1.5 milyon – na maaari niya raw i-encash sakaling ayaw na niyang ituloy ang usapan. Ngunit gaya ng ibang uri ng pang-i-scam, pinadama muna sa umpisa si Manong Alex. Matapos kasi siyang makakubra ng interest ay di na ito naulit at sa halip, ay puro pangako ng interest na lang ang kanyang nakukuha mula sa manager.
Kaya’t ipinasiya niyang putulin na lang ang transaksiyon nila, at babawiin na lang niya nang buo ang kanyang pera. Wala pa ring nangyari—wala pa raw pera, nalulugi na ang kumpanya at pati raw ang tsekeng hawak niya ay malabong nang maipa-encash sa bangko.
Matapos ang maraming araw nang pagbibigay-palugit, minabuti ni Manong Alex na maghain na ng reklamo sa NBI ngunit nagulat siya sa sobrang tiwala sa sarili ni manager na tipong parang tinatawanan lang ang kanyang reklamo. Kaya naman pala—dahil may kasama raw itong kamag-anak na isang prosecutor na maraming kaibigang opisyales sa NBI.
Puwes, ’di ko rin titigilan ang kasong ito. Babanggitin ko rito sa kolum ang pangalan ng manager na ito kapag naiparating ko na sa mga mismong may-ari ng bangko kung sino ang magaling nilang tauhang ito. Abangan!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]