MAY mahalagang papel ang Pilipinas sa Paris conference na nagtapos sa pagpapatibay ng kasunduan sa Climate Change noong Disyembre 2015. Pinangunahan ng bansa ang kampanya sa Climate Vulnerable Forum upang limitahan ang pagtaas ng pandaigdigang temperatura sa mas mababa sa 1.5 degrees Celsius, hindi lamang 2 degrees na tulad ng napagdesisyunan sa komperensiya.
At dahil sinalanta ang Pilipinas ng pinakamatinding bagyong tumama sa lupa sa buong kasaysayan — ang Yolanda noong Nobyembre 2013—ang dinanas ng bansa ay itinuturing na malinaw na banta sa buong mundo.
Ilang buwan matapos siyang mahalal, inihayag ni Pangulong Duterte ang kanyang pagtutol sa kasunduan sa Paris. Partikular siyang nababahala sa ipinangako ng Pilipinas na babawasan ang carbon footprint nito ng 70 porsiyento pagsapit ng 2030, batay sa Nationally Determined Contribution (NDC) nito sa kabuuang layunin na maibaba ang pandaigdigang temperatura. Itinuring niya itong pag-oobliga ng mayayamang bansa na pangunahing dapat sisihin sa polusyon sa hangin na nagbubunsod para tumaas ang pandaigdigang temperatura.
Inihayag noong nakaraang linggo ng Department of Environment and Natural Resources na hangad nitong pagnilayan ng Pangulo ang negatibo nitong pananaw sa kasunduan sa Paris. Sinabi ni DENR Secretary Regina Paz Lopez na magkakaroon ng access ang Pilipinas sa taunang P10 bilyon mula sa $100-billion pondo na napagkasunduan ng mayayamang bansa na pag-ambagan para sa pagpapatupad ng kasunduan sa Paris. Gagamitin ang pondo para ayudahan ng mga papaunlad at mahihirap na bansa na apektado ng polusyon, pagtaas ng temperatura at climate change.
Inalala ni Sen. Loren Legarda, na matagal nang nangangampanya para sa malinis na kapaligiran, kung paanong nakatulong ang Pilipinas sa paghimok sa iba pang mga bansa na suportahan ang kasunduan. Sakaling mabigo itong makatupad sa mga layuning itinakda nito sa sariling Nationally Determined Contribution na isinumite sa komperensiya kasama ang iba pang mga bansa, sinabi niyang maaaring mawala ang moral ascendancy ng Pilipinas bilang pangunahing tagapagpatupad ng isang pandaigdigang programa.
Dapat na bigyang-diin na ang bawat bansa ay may sariling pinupuntirya sa Nationally Determined Contribution nito. Hindi ito nakapaloob sa isang pandaigdigang batas. Walang mekanismo upang obligahin ang bansa na tumupad sa target ng sarili nitong NDC sa isang partikular na panahon. Isa lamang itong sistema ng “name and encourage”, ayon kay Janos Pasztor, ang UN secretary general on climate change.
Hanggang nitong Setyembre 2016, 190 bansa, kabilang na ang saklaw ng European Union, ang lumagda sa kasunduan at 61 estado na ang nagratipika rito, partikular ang China at United States, ang mga bansang may pinakamaraming greenhouse gas emissions sa mundo. Kada limang taon, simula sa 2023, magsasagawa ng ebalwasyon sa pagpapatupad ng iba’t ibang bansa ng kani-kanilang plano at gagamitin ang resulta sa pagsusuri kung ano na ang nakamit at ano pa ang maaaring gawin.
Hindi sapilitan ang kasunduan sa Paris. Ang mga layunin ay itinakda ng bawat bansa para sa kani-kanilang mamamayan at lahat ay maaaring mabago o ayusin sa mga susunod na taon. Umaasa tayong makatutulong ito kay Secretary Lopez kapag nakipagpulong siya at ang iba pang nagsusulong ng malinis na kapaligiran kay Pangulong Duterte tungkol sa komperensiya sa Paris at sa makasaysayang napagkasunduan tungkol sa climate change.