Ni DINDO M. BALARES
ANO ang gagawin mo kung bibigyan ka ng pagkakataon na makaganti sa taong sumira sa buhay mo?
Ito ang sentrong tema, na may kakabit na napakaraming universal questions, na tinatalakay ni Lav Diaz sa Ang Babaeng Humayo.
Ito ang unang pelikula ni Lav Diaz na pinanood namin, dahil hindi namin makunsinti noong mga unang pelikula niya ang pang-aabala na gusto niyang gawin sa moviegoers. Walong oras halimbawa ang Hele Sa Hiwagang Hapis, okay ka lang? So, paano, kailangan pa palang mag-file ng vacation leave para lang mapanood siya, ganoon?
Kaya lang, nakakaintriga na kung bakit rock star ang pagkilala kay Lav Diaz ng international film critics. Sunud-sunod ang iniuuwi niyang karangalan para sa Pilipinas. Pinakahuli nitong nakaraang buwan sa Venice International filmfest, itong Ang Babaeng Humayo mismo ang ginawaran ng Golden Lion/Best Picture, highest honor sa event at ang pinakamataas nang parangal na ipinagkaloob sa isang pelikulang Pilipino. Paano niya tinalo ang pinakamahuhusay na direktor sa iba’t ibang bansa -- pati na ang mga diyoses sa Hollywood?
Kung naa-appreciate nila sa Europe ang mga pelikula ni Lav, bakit hindi sa kanyang sariling bayan?
Mga katanungan ito na gusto naming masagot, kaya pinanood -- at nirebyu -- namin ang Babaeng Humayo.
Isa pang dahilan, ito na ang pinakamaikli niyang pelikula, ang pinaka-accessible para sa mga mortal, wika nga. Hindi umabot sa apat na oras. Hindi namin kailangang mag-file ng leave.
Pangatlo, naintriga na kami kung bakit nakikipag-collaborate sa kanya si Charo Santos, ang nagdala sa Star Cinema sa pagiging number one profitable movie outfit sa Pilipinas. Nakuha ng Star Cinema ang formula ng box office films, dahil walang silang pagkukunwari... inaamin nilang negosyo ang film production.
Pagkatapos mapanood ang Ang Babaeng Humayo, ang nakuha naming kasagutan sa mga katanungang ito, dahil henyo si Lav Diaz. Wala nang paliguy-ligoy pa, dahil ‘yan ang totoo.
Iiwasan naming mailahad ang buong kuwento ng Ang Babaeng Humayo para sa mga nagbabalak manood, dahil ayaw naming ma-spoil ang pagtuklas nila sa kakaibang estilo ng storytelling ni Lav Diaz.
Black and white, halos walang camera works; walang crane shot, walang tracking shot, at kung anu-ano pang mga pa-impress na kuha, walang computer generated images, walang sound effects at music -- bukod sa kinanta nina Charo at John Lloyd Cruz -- basta magkukuwento lang siya at bahala nang magmuni-muni ang mga manonood lalo na sa mahahabang eksena.
Hubad sa mga palamuti ang pelikula ni Lav Diaz, kaya dalisay na diwa na lamang ang naiwan para sa mga manonood. May mga butas sa pelikula pero napakaliit ng mga ito para maapektuhan ang kabuuan.
Malinaw ang pagtalakay ng pelikula sa existentialism. Kapag isinilang kang matino/mabuti o masamang ng tao, mapapanatili mo ba ito kahit dinudurog ka ng mundo? Pero hindi ganito kasimple ang utak ni Lav Diaz. Presentasyon din ito ng Yin and Yang, at ng mga kulay sa gitna ng itim at puti -- kahit black and white nga ang pelikula niya.
Slow burn ang Ang Babaeng Humayo na parang pagluluto ng bulalo, mas malinamnam kaysa minadaling palambutin sa pressure cooker.
Kinatas ni Lav Diaz sa God Sees The Truth, But Waits ni Leo Tolstoy ang inosenteng nakulong na inabutan sa piitan ng totoong pumatay pero nagsilbi lang itong jumping board, sumige na siya sa kanyang sariling istorya.
Binigyan si Horacia/Charo ng pagkakataon na makaganti sa taong nagpakana sa 30 taong pagkakakulong niya, pero sabi nga ni John Lennon sa oyayi na isinulat at kinanta niya para sa anak na si Sean, “Life is what happens to you while you’re busy making other plans.”
Maganda for character study ang pelikula, at pawang mahuhusay ang performers. Tatlo ang naging karakter ni Charo dahil nag-disguise siya habang minamanmanan ang ex-boyfriend/Michael de Mesa na gagantihan niya at nakilala sina Hukluban/Nonie Buencamino, Hollanda/John Lloyd Cruz, Mameng, at Minerva.
So, nakapaghiganti ba si Horacia?
Ang kasagutan, para maiwasan ang spoiler, ay maikakabit sa mga Pilipino na laging api-apihan. Bayang Magiliw na laging nagdadalawang-isip na makisabay sa kalupitan ng mga banyagang nang-api. “God Sees Everything, But Waits.”
Out of the ordinary ang pelikulang ito ni Lav Diaz. Bagay sa mga Pinoy na hindi rin naman pangkaraniwang lahi.
Hindi tayo katulad ng ibang bansa, gaya ng mga Hapon halimbawa na nagpapahalaga sa likhang-sining ng mga henyo nila, pero sana ay simulan na natin ang appreciation sa mga kababayan natin na may malalim na pagtingin sa tinatakbo ng ating buhay.