ZAMBOANGA CITY – Ginawaran ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng medalya ang limang sundalo na nasugatan sa magkakahiwalay na engkuwentro laban sa Abu Sayyaf Group (ASG) sa Sulu.
Pinagkalooban sa isang simpleng seremonya sa Camp Bautista Station Hospital sa Jolo nitong Biyernes ng umaga ng Wounded Personnel Medal sina 2Lt Joelimar Sulit, TSg Mario de Guzman Jr., Sgt Berhamin Jumdana, Pfc Deborah Paracuelles at Pvt Michael Andre Atega.
Personal na ikinabit ni Brig. Gen. Arnel dela Vega, commander ng Joint Task force-Sulu (JTF Sulu) ang mga medalya para sa mga sugatang sundalo na nagpapagaling ngayon sa nabanggit na ospital.
“This is one way of recognizing the bravery and services of our troops in protecting the people of Sulu,” sabi ni Gen. Dela Vega.
Patuloy naman ang pinaigting na operasyon ng mga sundalo laban sa Abu Sayyaf sa Sulu upang iligtas ang mga natitirang bihag ng grupo.
Sinabi ni Dela Vega na sa kabuuan ay 13 bihag na ang nailigtas ng militar—anim na Indonesian, anim na Pilipino at isang Norwegian. - Nonoy E. Lacson