Katulad ng inaasahan sa araw-araw na pangyayari, lima pang lalaki ang nadagdag sa mga napapatay na umano’y suspek sa ilegal na droga sa magkakahiwalay na insidente sa Caloocan City.
Sa report kay Police Supt. Ferdinand del Rosario, dakong 9:00 ng gabi, nakatayo sa tindahan si Ariel Amanda, 36, construction worker, ng Package 14, Block 7, Lot 26, sa kahabaan ng Phase 8A, Package 8, Block 91, Lot 49, Barangay 176, Bagong Silang nang bigla siyang pagbabarilin ng dalawang lalaki.
Isinugod pa sa Tala Hospital ang biktima, pero hindi na ito umabot nang buhay dahil sa tama ng cal. 45 sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Dakong 11:00 ng gabi, pinasok ng apat na lalaki ang bahay ni Edmond Alloveros, 38, tricycle driver, ng Phase 7B, Package 10, Block 10 Excess, Bgy. 177, Caloocan City, tsaka pinagbabaril hanggang sa mapatay.
Natagpuan naman ang mga bangkay ni Patrick Egan, welder, at isang lalaki na nasa edad 30 hanggang 35, may taas na 5’4”, katamtaman ang pangangatawan, sa madamong bahagi ng Aurora St., Bgy. 177, dakong 2:00 ng madaling araw.
Habang nakatamabay sa Laong-Laan, corner Dimasalang St., Maypajo, Bgy. 27, Caloocan City si Hector Maninang, 49, construction worker, ng No. 17 Kadiwa St., nang siya’y pagbabarilin, dakong 8:00 ng gabi. - Orly L. Barcala