HINDI payag o kumporme ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa mungkahi o isang kondisyon na isuko ang mga armas ng mga rebelde upang matuloy ang usapang-pangkapayapaan ng gobyernong Pilipino at ng kilusang komunista. Nanindigan ang NPA na hindi sila magsasalo ng mga armas.

Sa isang pahayag, sinabi ng NDF na inaasahan nito ang “spirited and interesting continuing talks” sa gobyerno na gaganapin sa Oslo, Norway mula Oktubre 6 hanggang 10. Batay sa pahayag, ang magsisilbing gabay sa pagsasagawa-pagbubuo ng kasunduan tungkol sa usapan ay ang mga repormang ekonomikal at sosyal para sa kagalingan, kabutihan at kapakanan ng mga mamamayan.

Tuluy-tuloy ang paninindigan ng Duterte administration sa pagsusulong ng isang independent foreign policy. Ayaw ni President Rodrigo Roa Duterte na ang Pilipinas ay lagi na lang nakasandig o nakasandal kay Uncle Sam (United States) na kung ituring ang ‘Pinas ay Little Brown Brother na kayang-kayang ipagtulakan.

Nagsalita si Foreign Sec. Perfecto Yasay sa United Nations General Assembly at sinabihan ito na hindi dapat pakialaman ang mga lokal na patakaran ng ating bansa, lalo na ang tungkol sa pakikidigma sa illegal drugs. Sa kanyang pagsasalita, ipinaalam ni Yasay na determinado si Pangulong Duterte na “palayain ang Pilipinas mula sa corrupt and other stagnating practices”.

Binigyang-diin ni Yasay na si President Rody ay nanalo nang landslide noong May 9 election. Ibinoto siya ng 16.6 milyong Pinoy dahil sa pangakong susugpuin ang ilegal na droga at krimen sa bansa. Batay sa PNP reports, mahigit na sa 3,000 ang napatay sa police operations, kagagawan ng vigilantes at drug syndicates, samantalang may 700,000 ang nagsisukong drug pushers, users, protectors mula nang maupo si Mano Digong noong Hunyo 30 hanggang ngayon.

Siyanga pala, maraming nagtatanong (o nagtataka) kung bakit hanggang ngayon (habang sinusulat ko ito) ay wala pang inilalabas na surveys ang Social Weather Stations at Pulse Asia kung pabor ang mga tao sa drug war ni RRD, pagmumura kay Obama, UN, EU at Sen. Leila de Lima. Tinanong na rin ba ang mga tao kung katig sila sa pasiya ng Pangulo sa pakikipagmabutihan sa China at Russia dahil medyo galit siya sa US?

Aba, SWS at Pulse Asia, kumilos kayo at magsagawa ng surveys at huwag matakot ano man ang resulta ng mga ito. Dapat malaman ng 102 milyong Pilipino kung katig sila sa pamamahala ngayon ni DU30!