Ang House Committee on Justice, hindi si Speaker Pantaleon Alvarez, ang magdedesisyon kung maaaring magsilbing ebidensiya ang umano’y sex video ni Senator Leila de Lima at ipalabas ito sa pagpapatuloy ng hearing sa susunod na linggo kaugnay ng umano’y ilegal na operasyon ng droga sa New Bilibid Prison.
Ayon kay Majority Leader Rodolfo Fariñas, ang justice committee na pinamumunuan ni Mindoro Oriental Rep. Reynaldo Umali ang responsable sa pagdedesisyon sa nasabing isyu, sa pamamagitan ng pagboto ng mga miyembro nito.
Bilang reaksiyon sa mga batikos kaugnay ng umano’y desisyon ni Alvarez na ipapanood ang sex video sa publiko, sinabi ni Umali na ang boto ng House leader sa pagresolba sa kontrobersiya ay katumbas lang ng isa sa halos 13 dosenang miyembro ng House panel.
Kinondena naman ng kababaihang mambabatas, sa pangunguna nina Reps. Henedina Abad (LP, Batanes); Nancy Catamco (LP, North Cotabato) at Kaka Bag-ao (LP, Dinagat Island), ang pagpapalabas sa umano’y sex video. - Ben R. Rosario