Inihayag kahapon ng Philippine Coast Guard (PCG) na nakaalerto ito sa bagyong ‘Igme’ na pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR) kahapon ng umaga.

Sinabi kahapon ni PCG Spokesman Commander Armand Balilo na nakaalerto na ang mga istasyon at substation ng Coast Guard sa hilang Luzon.

Batay sa bulletin na inilabas ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), dakong 11:00 ng umaga kahapon, namataan ang Igme sa layong 1,380 kilometro silangan ng Casiguran, Aurora.

Ang ikasiyam na bagyo sa bansa ngayong taon, sinabi ng PAGASA na aabot sa 100 kilometer per hour (kph) ang lakas ng hangin nito at bugsong 125 kph, habang kumikilos pa-hilagang kanluran sa bilis na 25 kph.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Tinatayang kikilos patungo sa 985 kilometro silangan ng Basco, Batanes ang Igme sa susunod na 24 na oras.

Bagamat walang inilabas na tropic warning signal ang PAGASA at hindi makaaapekto sa alinmang bahagi ng bansa, pinayuhan pa rin ng ahensiya ang publiko at ang kinauukulang Disaster Risk Reduction and Management Council na magpatupad ng kinakailangang hakbangin upang maiwasan ang anumang sakuna. - Argyll Cyrus B. Geducos at Rommel P. Tabbad