ANG buwan ng Oktubre para sa mga Kristiyanong Katoliko sa iniibig nating Pilipinas at sa buong mundo ay Rosary Month o Buwan ng Rosaryo.
Ang pagdarasal ng rosaryo ay isang popular na debosyon at pagpaparangal kay Birheng Maria. Itinuturing na simbolo ng kabanalan. Bilang debosyon sa Mahal na Birhen na patroness ng Pilipinas, dinarasal ang rosaryo araw-araw sa buong buwan ng Oktubre. Ang pagrorosaryo na nakagisnang kaugalian ng mga Katoliko ay maaaring kakaiba sa mga taong iba ang relihiyon. Subalit itinuturing ng mga Katoliko na sa pamamagitan ng pagrorosaryo ay higit na nagiging malalim ang kanilang ugnayan sa Diyos at sa Mahal na Birhen. Ang sama-samang pagdarasal ng rosaryo ng bawat pamilya ay isa nang ugat na maituturing sa kulturang Pilipino.
Sa mga Katolikong paaralan tuwing Oktubre, sa bawat pagpapalit ng subject, sa pamumuno ng class president o ng guro, nagdarasal muna ang buong klase. At tuwing sasapit ang Oktubre, hinihimok ng Simbahan ang mga mananampalataya na magdasal ng rosaryo para sa kapayapaan ng daigdig at ng lahat sa Asia. Sa pagdarasal ng rosaryo, ang mga Katoliko ay naghahanap ng payapang kalooban at matatag na moralidad.
Maging landas sa kapayapaan at ng pag-ibig at paggalang sa kapwa.
Mahigit 400 taon na ang nakalilipas nang simulan ang pagdarasal ng rosaryo. Ang kongregasyon ng mga paring Dominikano (Dominican Congregation) ay may mahalagang nagawa sa pagdarasal ng rosaryo.
Sila ang nagsimula at nagpatuloy sa paglipas ng mga taon hanggang sa ngayon.
Ang debosyon sa Mahal na Birhen ng Sto. Rosario ay sinimulan naman ni Saint Dominic de Guzman (Santo Domingo) ang nagtatag ng Dominican Congregation. May nagsasabi na ang mga banal noon ay gumagamit ng mga butil o batong maliit sa pagbibilang ng kanilang panalangin.
May paniwala naman na ang pagdarasal ng rosaryo ay binubuo ng 150 Pater Noster o Ama Namin. Pagkatapos, nadagdagan ito ng Ave Maria o Hail Mary. At pagsapit ng 1409, isang mungkahi ang ipinahayag ng Cartusian Dominican sa Prussia, Eastern Europe.
Ginawa na lamang 50 ang papuri kay Maria at Jesus at 50 rin ang Ave Maria o Hail Mary.
Pagsapit ng 1483, ang 50 Ave Maria ay naging 15 na lamang, katumbas ng 15 Misteryo. Misteryo ng Tuwa (Joyful Mystery), Misteryo ng Hapis (Sorrowful Mystery), at Misteryo ng Luwalhati (Glorious Mystery). At noong Oktubre 15, 2002, sa Apostolic Letter ni Pope John Paul ll na may pamagat na “Rosarium Virginis Mariae”, dinagdagan ito ng 5 misteryo.
Tinawag na Luminous Mystery o Misteryo ng Liwanag na dinarasal tuwing Huwebes. Ang Misteryo sa Tuwa ay nabawasan ng isang araw na dinarasal tuwing Lunes at Sabado.
Ang limang Misteryo ng Liwanag ay binubuo ng Pagbibinyag kay Kristo sa Ilog ng Jordan, Himala sa Kasalan sa Cana, Pagpapahayag ng Pagdating ng Kaharian ng Diyos, Pagbabagong anyo o Transfiguration ni Kristo at Pagtatag ng Banal na Eukaristiya.