Ni Angie Oredo

Paglalabanan na lamang ng Cebu City sa Cebu, Iloilo City sa Iloilo at sa Tacloban City, Leyte ang karapatan para maging host ng taunang Palarong Pambansa para sa 2017.

Ito ay matapos kumirmahin mismo ni Negros Occidental Governor Alfredo Marañon Jr. ang pag-atras ng dinarayong probinsiya sa ginaganap na bidding para sa nais maghost sa 2017 Palaro.

Ipinaalam ni Marañon ang desisyon na umatras sa mga boboto na regional directors matapos idahilan ang kawalan ng suportang pinansiyan mula mismo sa nag-oorganisang Department of Education (DepEd).

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“DepEd is not giving funds for the hosting of the Palaro,” ayon sa gobernor.

Ipinaliwanag nito na ang paghohost ng Palarong Pambansa ay inaasahang gagastos ng mahigit na P70 milyon na ipambabayad nito para sa pagbubuo ng mga billeting areas, at rehabilitasyon at pagpapaayos ng mga gagamiting lugar sa torneo kasama na rin ang practice venues.

Ang Negros Occidental ay isa sa dalawang probinsiya kasama ang Negros Oriental na kinikilala na ngayon bilang One Negros Island Region.

Nakatakda naman kilalanin ngayong ikalawang linggo ng Oktubre ang magwawagi sa bidding para sa hosting ng 2017 Palaro na taunang isinasagawa alinman sa buwan ng Abril o Mayo.

Ang ika-60 taon ng Palaro ay itinakda sa isla ng Visayas kung saan naiwan sa posibleng lugar ang Cebu City, Cebu o Region 7), ang Tacloban City, Leyte sa Region 8 at ang Iloilo City, Iloilo sa Region 6.

Magbabalik sa Luzon ang Palaro para sa ika-61 edisyon sa 2018 kung saan nag-aagawan sa hosting ang Bocaue, Bulacan (Region 3) at Puerto Princesa City, Palawan (Region 4B).

Ang ika-62 edisyon sa 2019 ay gaganapin naman sa Mindanao kung saan asam na mag-host ang Butuan City, Agusan del Norte (Region 13), Tagum City, Davao del Norte (Region 11) at ang Davao City, Davao del Sur (Region 11).