NANAWAGAN si Pangulong Duterte sa lahat ng tauhan ng militar na manatiling tapat sa Republika nang humarap siya sa Philippine Marines sa Fort Bonifacio nitong Martes. Malinaw na nangangamba siya na ang mga huling hakbangin niya tungkol sa Communist Party of the Philippines (CPP), ang kanyang hindi magandang komento kay United States (US) President Obama, at ang kanyang nalalapit na pagbisita sa China at Russia ay hindi maunawaan ng ilang sektor at magresulta sa hindi inaasahang pagkilos ng sandatahan.
Pinangunahan ng Pangulo nitong Linggo ng gabi ang kauna-unahang hapunan sa Malacañang kasama ang mga pinuno ng National Democratic Front, ang pulitikal na sangay ng CPP na ang armadong sangay, ang New People’s Army, ay ilang dekada nang nagrerebelde. Kabilang sa mga panauhin sa Malacañang sina Benito at Wilma Tiamzon, na kamakailan ay napiit sa Cebu bilang mga pangunahing opisyal ng CPP.
“Do not be offended,” sinabi ng Presidente sa mga tropa. Inimbita rin niya ang mga opisyal ng CPP at nakikipagnegosasyon ngayon ang gobyerno para sa isang usapang pangkapayapaan sa Oslo na ang gobyernong Norwegian ang nagsisilbing punong abala. Para sa China at Russia, sinabi ng Pangulo na umaasa siyang makapagtatatag ng alyansa sa dalawang bansang kabilang sa pinakamaiimpluwensiya sa mundo, bilang bahagi ng kanyang layunin na magkaroon ng independent foreign policy para sa bansa.
Sa Washington, DC, sinabi ni State Department Spokesman Mark Toner na walang natanggap ang gobyerno ng Amerika na anumang opisyal na komunikasyon mula sa pamahalaan ng Pilipinas na nangangahulugan ng anumang pagbabago sa ugnayang Pilipinas at Amerika. “Our cooperation with the Philippine government remains strong and unabated,” aniya.
Sa isang briefing sa Malacañang, pinawi ni Secretary of Foreign Affairs Perfecto Yasay, Jr. ang pangamba ng mga naaalarma sa mga hakbangin at pahayag ng Pangulo, gaya ng “I am about to cross the Rubicon between me and the US.” Sinabi ni Secretary Yasay na naniniwala siyang nais lang ng Pangulo na bigyang-diin ang kahalagahan ng mga itinakda nitong pulong kina President Xi Jinping ng China at Prime Minister Dmitry Medvedev ng Russia.
Mapagtatanto natin na ang huling mga pagkilos at pahayag ni Pangulong Duterte ay naiiba kumpara sa mga naunang pinuno ng bansa. Ngunit nakikiisa tayo sa pag-asam na magtagumpay siya sa kambal niyang layunin na makipagkasundo na sa Komunista at sa iba pang mga rebelde sa bansa at magbuo ng isang independent foreign policy.
Kababalik lang niya mula sa state visit sa Vietnam, isa sa mga pinakamalalapit na kaalyado natin sa Association of Southeast Asian Nations. Hangad naming ang pinakamabuti habang naghahanda siya para sa susunod niyang mga pagbisita sa China at Russia.