ANO’NG meron si Coco Martin para hangaan ng halos lahat ng tao, bata, matanda, girl, boy, bakla, tomboy?
Halimbawa, may kuwento ang TV Patrol reporter na si Mario Dumaual na may nakilala silang tatlong taong gulang na batang labis ang pag-idolo kay Coco sa FPJ’s Ang Probinsyano, at tuwing umaga ay ginagaya ang aktor at sumasaludo rin at pangarap daw maging pulis.Nagpapasalamat si Coco sa bata at sa pamilya nito na patuloy na nanonood ng Ang Probinsyano.
Malalaman siguro ang sagot sa kuwento ni Coco na sadya nilang iniingatan at may conscious effort silang lahat sa Team Ang Probinsyano sa mga ipinapalabas nila sa serye dahil alam nilang karamihan ng mga nanonood ay mga bata at ginagaya sila.
“Salamat, talagang masyado po kaming maingat sa bawat eksenang ginagampanan namin o sa bawat issue na tina-tackle namin kasi marami kaming buhay na nata-touch hindi lang ‘yung matatanda lalo na ‘yung mga bata. Kasi kung ano ‘yung napapanood nila ngayon ay iyon ang sa palagay nila ay tama.
“Sana lahat ng nanonood ng FPJ’s Ang Probinsyano ay ipagpatuloy nila ang kanilang panonood dahil sa pamamagitan nito ay dito kami nakakapag-share ng kahit sa simpleng pamamaraan ng kabutihan o anumang ipapamana namin,” pahayag ng aktor.
Ibinahagi rin ni Coco na lahat ng ginagawa nila ay may values na nakuha niya kay Fernando Poe, Jr. Sinusundan niya ang mga yapak nito sa pagbabahagi ng good values na napanood niya sa pelikula noong bata pa siya.
“Honestly po, siguro ‘yung good values na nailalagay ko sa aming teleserye, ‘yun po siguro ‘yung napanood ko nu’ng bata ako. Ito po ang nagre-reflect sa akin kung bakit pursigido akong gawin dati ‘yung FPJ’s Ang Probinsyano kasi every time na nagkukuwento ako o nagbibitawan kami ng mga linya ay nagiging natural kasi mayroon akong taong hinangaan.
“Alam ko ‘yung good values na gustong sabihin ni FPJ sa bawat pelikula niya at ako, sana po, hindi man ako ‘yung susunod na gumawa o gagawa ng teleserye ni FPJ, sana hindi rito matapos ‘yung paggawa ng legacy na nagawa ni FPJ sa kanyang mga pelikula.
“Sana po, makagawa pa ng mas maraming pelikula ni FPJ na mailipat naman sa mga gagawa pa ng teleserye, kasi maraming nakaka-appreciate at napapanood ng libre lalo na sa mga probinsya. Sini-share ko lang po kung ano ‘yung mga napanood ko nu’ng bata ako,” kuwento ni Coco.
Nabanggit ni Mr. Eddie Garcia na malaki ang nagawa ni Coco Martin para maibalik ang action sa telebisyon.
“No’ng una ko pong makasama si Tito Eddie sa Juan de la Cruz, hindi ko po makakalimutan ‘yung experience na nanginginig po ako kasi sobra ko siyang iniidolo bilang artista at bilang tao, lalung-lalo na po nu’ng makatrabaho ko siya. Sabi ko, siguro siya na po ‘yung taong nakilala ko na napakapropesyunal bukod pa sa napakagaling na artista at hindi matatawaran.
“Kaya alam ko na kung bakit hanggang ngayon nandito pa si Tito Eddie, hindi lang sa talento kundi sa pagiging propesyunal pa at pagmamahal niya sa industriya,” reaksiyon ni Coco sa papuri sa kanya ni manoy. -Reggee Bonoan