Kampante si Donnie “Ahas” Nietes na kaya niyang dominahan ang flyweight division tulad ng ginawa niya noong itinanghal na hari ng minimumweight at junior flyweight division sa loob ng pitong taon.
Matapos talunin sa kumbinsidong paraan si ex-WBC light flyweight titlist Edgar Sosa ng Mexico sa main event ng Pinoy Pride 39 kamakailan, tiwala ang dating Philippine’s longest reigning champion na handang-handa na siya sa mas mabigat na 112 pounds division dahil kaya ng kanyang katawan ang nadagdag na four pounds.
“Lalabanan ko kahit na sino para sa flyweight title,” sabi ni Nietes sa PhilBoxing.com. “Nakadepende talaga ito kay Sir Michael Aldeguer. Pero tingin ko lalaban ako sa title kung sino ang mananalo sa title eliminator nina Zou Shiming at Kwanpichit Onesongchair Gym.”
Naiwang bakante ang World Boxing Organization (WBO) flyweight title nang bitiwan ito ni dating Mexican beltholder Juan Francisco Estrada kamakailan para magkampanya sa mas mabigat na super flyweight division.
Rank No. 2 at No. 3 naman sina Zou at Kwanpichit, ayon sa pagkakasunod, habang si Nietes ang No. 1 contender ng WBO.
Tinalo na ni Zou si Kwanpichit sa una nilang engkuwentro noong Nobyembre 2014 kahit pa namaga ang kaliwang mata ng dating Chinese Olympian. Si Hall of Fame trainer Freddie Roach ang nasa corner noon ni Zou.
Ngunit sinabi ni Nietes na kaya niyang talunin si Zou dahil naka-sparring na niya ito sa Wild Card Gym ni Roach sa Los Angeles, California at kapag nakuha niya ang WBO title ay gusto niya ang reunification bout kay WBA champion Kazuo Ioka ng Japan.
Target din niyang makaharap ang mananalo sa binakante ni WBC super flyweight champion Roman “Chocolatito” Gonzalez ng Nicaragua na WBC flyweight crown na sina No. 1 Nawaphon Sor Rungvisai ng Thailand at No. 2 Juan Hernandez ng Mexico. - Gilbert Espeña