Ni ANTONIO L. COLINA IV
DAVAO CITY – Nanindigan si Pangulong Duterte na hindi siya makikipagnegosasyon sa Abu Sayyaf ngunit sinabihan ang mga bandido “to minimize the slaughter” ng mga inosenteng tao.
“No way that I will talk to them, sila rin ayaw din talaga nila. Ang akin lang sana, kung hindi tayo puwede mag-usap, sabi ko sa Moro, at least we minimize the slaughter. Kung maaari lang,” bahagi ng talumpati ni Duterte sa National Biennial Summit on Women and Community Policing sa Apo View Hotel Davao nitong Biyernes.
Setyembre 10 nang palayain ng Abu Sayyaf ang dinukot nitong Norwegian na si Kjartan Sekkingstad, 56, ang huli sa apat na kinidnap ng mga bandido sa Island Garden City of Samal sa Davao del Norte. Nang iprisinta sa media nitong Setyembre 12, binanggit ng Presidente na “terrorism will be the great battle of the century”.
Kasamang dinukot ni Sekkingstad ang dalawang Canadian na sina John Ridsdel, 68, at Robert Hall, 50, ay ang Pinay na nobya ni Hall na si Marites Flor, 38, noong Setyembre 21, 2015.
Pinugutan ng ASG si Ridsdel noong Abril 25 habang Hunyo 13 naman pinugutan si Hall, dahil sa kabiguang magbayad ng ransom. Hunyo rin nang palayain naman si Flor.
Kasabay nito, naniniwala naman si Duterte na maganda ang kahahantungan ng negosasyong pangkapayapaan ng gobyerno kina Moro Islamic Liberation Front (MILF) Chairman Al Hajj Murad Ebrahim at First Vice Chairman Ghadzali Jaafar, National Democratic Front founder Jose Maria Sison, at Moro National Liberation Front (MNLF) founder Nur Misuari, na isang pugante.
“Nakausap ko ang Left, ngayon wala nang giyera. Nakausap ko si Murad pati sa Jaafar, so there is a lull in the fighting there,” anang Pangulo.