NAIS ng grupo sa likod ng mga pelikula ng James Bond na bumalik si Daniel Craig bilang 007, ayon sa executive producer ng spy series noong Biyernes, kahit sinabi na ng British actor na mas pipiliin nitong laslasin ang kanyang pulso kaysa gumanap muli bilang 007.

Ang 48-year-old star ay “absolutely the first choice... We would love Daniel to return as Bond,” sabi ni Callum McDougall sa BBC radio.

Inihayag ni Craig na siya ay wala nang pakialam sa role pagkatapos ng huling installment ng pelikula na Spectre, na umabot sa $880 million ang kabuuang kinita sa buong mundo.

Nang tanungin kung naiisip pa ba niyang gumawa ng isa pang bond movie, sagot ni Craig sa Time Out magazine ng London: “Now? I’d rather break this glass and slash my wrists.”

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Dahil sa sagot ng aktor, nagsimula ang mga haka-haka sa sunod na gaganap sa role, at sina Idris Elba, Tom Hiddleston at Aidan Turner ang napabilang sa listahan ng mga nangungunang pagpipilian.

Nakatanggap ng mga papuri si Craig sa fresh at maangas na pagganap sa kanyang role ng suave secret agent sa apat na pelikula, na nagsimula sa Casino Royale noong 2006.

Sa isang ulat sa RadarOnline nitong unang bahagi ng buwan, napag-alaman na inalok na si Craig ng $150 million ng Sony studio para magbalik sa dalawa pang pelikula.

Sinabi ni McDougall sa BBC na ang Bond producers na sina Barbara Broccoli at Michael Wilson ay may kapareho ring paniniwala. “I know they are hoping for him to come back,” aniya. -Reuters