“Tulak na ayaw magpapigil, buhay ay titigil”.

Ito ang mga katagang nakasulat sa isang cardboard na nakasabit sa leeg ng isang lalaki na natagpuang patay sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Pinaniniwalaang biktima ng summary execution ang biktima na inilarawang nasa edad 35 hanggang 40, may taas na 5’2”, balingkinitan, nakasuot ng itim na jersey basketball shirt na may nakaimprentang “THREAT 5”, gray na shorts, at may tattoo ng demonyo at mga pangalang “Daco” at “Anthony” sa kaliwang balikat.

Sa imbestigasyon ni SPO4 Glenzor Vallejo, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 3:45 ng madaling araw nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa gilid ng kalsada sa panulukan ng P. Florentino Street, sa kanto ng A.H. Lacson Avenue, Sampaloc ng magboboteng si Jimmy Ruferso.

Probinsya

E-trike driver, muntik mabulag matapos kagatin sa mata ng kapuwa driver

Kaagad umano niyang ipinagbigay-alam kay Barangay Ex-O Edgar Tagle na siyang tumawag sa himpilan ng pulisya.

Nang imbestigahan ng mga pulis ay nakitang ibinalot pa sa packaging tape ang ulo ng biktima, iginapos ang mga kamay at may tama ng bala sa sentido, panga at leeg.

Posible umanong may kinalaman sa ilegal na droga ang pagpatay dahil bukod sa nakasabit na cardboard ay nakumpiska rin ang dalawang pakete ng shabu sa kaliwang bulsa ng biktima. - Mary Ann Santiago