Ibinulagta ang tatlong suspek sa ilegal na droga habang arestado ang isa sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Quezon City, nitong Sabado ng umaga.

Kinilala ng pulis ang mga napatay na suspek na sina Erlindo Torres alyas “Leon”, Wilfredo dela Cruz alyas “Willy”, at Leonel Lipata alyas “Tukne”.

Ikinasa ng 15 tauhan ng Novaliches Police Station’s anti-illegal drugs unit, dakong 1:45 ng madaling araw, ang operasyon laban kina Torres at Dela Cruz sa kahabaan ng Rockville Avenue sa Barangay San Bartolome.

Ang dalawa, ayon sa pulis, ay kapwa matinik na tulak sa Barangay Sauyo.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Ang mga suspek, na lulan sa itim at dilaw na motorsiklo, ay nahuli sa aktong inaabot ang tatlong pakete ng shabu sa isang poseur-buyer na nagbayad ng P30,000.

Matatapos na ang transaksiyon nang senyasan ng pulis ang mga operatiba na arestuhin ang mga suspek.

Nang makitang papalapit na ang mga pulis, nagtangkang tumakas ang mga suspek at pinaputukan ang mga pulis na mas mabilis ang kilos at nailagan ang mga bala hanggang sa napilitang pagbabarilin ang mga suspek.

Narekober mula sa mga ito ang caliber .38 at .22 revolvers, motorsiklo na may plakang 4224 UN at digital weighing scale.

Nauna rito, dakong 12:10 ng madaling araw sa Bgy. Sta. Lucia, ikinasa ng anti-illegal drugs operatives ang operasyon laban kay Lipata matapos umanong makatanggap ng impormasyon sa nagaganap na ilegal na gawain sa F. Calderon St.

Bilang tugon sa report, namataan ng mga pulis si Lipata na nag-aabot ng pakete shabu sa isang babaeng parokyano na kinilalang si Marilyn Sierra, 43, kapitbahay ni Lipatan.

Binunot umano ni Lipata ang kanyang baril hanggang sa nauwi sa engkuwentro na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Tinangka naman umanong tumakas ni Sierra ngunit siya’y nabigo. - Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon