MAKAHULUGANG ipinagdiwang noong Setyembre 26 ang ikatlong anibersaryo ng YES to Green Program, o ang Ynares Eco System, flagship project ni Rizal Governor Rebecca “Nini” Ynares.
Ang pagdiriwang ay ginanap sa Ynares Center sa Antipolo City, na ang isang tampok na bahagi ng selebrasyon ay ang pormal na paglulunsad sa Oplan BUSILAK o BUhayin Sapa, Ilog Lawa At Karagatan. Isa itong proyektong kaugnay ng Ynares Eco System na ang isa sa pangunahing layunin ay ang pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan. Ang Ynares Eco System ay binubuo ng anim na component, tulad ng cleaning o paglilinis, greening o pagtatanim ng mga puno, recycling o tamang waste management, environmental protection at tourism.
Ang ikatlong anibersaryo ng pagdiriwang ng YES To Green Program ay pinangunahan nina Rizal Gov. Nini Ynares, Vice Gov. Reynaldo San Juan, Jr., ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, mga mayor sa 13 bayan at isang lungsod sa Rizal, ng mga barangay captain, iba pang panauhin. at mga environmentalist.
Sinimulan ang pagdiriwang at paglulunsad ng Oplan BUSILAK ng panimulang panalangin ni Monsignor Rigoberto de Guzman, shrine rector ng Antipolo Cathedral; pag-awit ng “Lupang Hinirang” at “Rizal Mabuhay” ng mga mag-aaral sa Regional Lead School for the Arts at ng pagbating pagtanggap ni Vice Gov. San Juan. Sinundan ito ng pagbibigay ng mensahe ni Gov. Ynares.
Sa bahagi ng mensahe, sinabi ni Gov. Ynares na ang Oplan BUSILAK ay bahagi ng YES To Green Program at ang paglulunsad nito ay may layuning magkaroon ng kamalayan ang mga Rizalenyo at mga mamamayan sa pangangalaga sa mga daluyan ng tubig.
Mahalagang panatilihin lagi ang kalinisan. Ang Ynares Eco System at Oplan BUSILAK ay hindi lamang sa Kapitolyo, sa mga bayan at sa mga barangay kundi sa lahat ng mamamayan, upang sumigla at tumibay ang malasakit sa kalikasan at kapaligiran. Layunin ng Oplan BUSILAK na makatulong na matugunan ang epekto ng climate change sa buong daigdig.
Naging bahagi ng paglulunsad ng Oplan BUSILAK ang candle lighting ng lahat ng dumalo sa pagdiriwang ng ikatlong anibersaryo ng Ynares Eco System, ang sabay-sabay na pagbigkas ng Panatang YES ng Rizalenyo, at paglagda sa commitment wall bilang suporta sa Oplan BUSILAK.
Ganito ang isinasaad ng Panatang YES ng Rizalenyo: “Ako, bilang isang Rizalenyo na nagmamahal sa kalikasan, ay nangangakong gagawin ang lahat upang pangalagaan ang aking kapaligiran. Tutulong at mananalig ako sa programang YES ng pamahalaang panglalawigan, na gawing malinis at luntian ang kapaligiran. Itatapon ko ang mga basura sa tamang lugar at pahahalagahan ang angkop na pamamaraan upang muling magamit at pakinabangan ang mga bagay na dati ay itinatapon lamang.
“Ako ay magtatanim ng mga puno upang mapayabong ang kagubatan nang maiwasan ang pagbaha at pagkasira ng ari-arian.
Tutulong ako upang mapanatiling malinis at buhay ang mga daluyan ng tubig para sa masaganang buhay at maunlad na pamayanan.
“Bilang tagapangalaga, ituturing ko ang bawat araw na isang pagkakataon para isulong at suportahan ang YES Program, dahil ako ay isang Rizalenyo na may malasakit at pagmamahal sa Inang Kalikasan.
“Kasihan nawa ako ng Diyos.”
Bahagi rin ng pagdiriwang ang pagkakaloob ng gantimpala sa mga barangay sa Rizal sa una at ikalawang distrito na nagwagi sa YES to Green Program. Ang gantimpala ay tricycle patrol at garbage dump truck sa bayan na over all champion sa una at ikalawang distrito ng Rizal. (Clemen Bautista)