TUMULAK patungong Buenos Aires, Argentina kahapon ang liderato ng Philippine Volleyball Federation (PVF) upang dumalo sa 35th FIVB World Congress.
Pinangunahan ni dating international golf champion at PVF deputy secretary general Gerald Cantada ang delegasyon ng PVF sa importanteng pagpupulong upang makamit ang pagkilala sa asosasyon na ilegal na binuwag ng Philippine Olympic Committee (POC) sa pamumuno ni Jose ‘Peping’ Cojuangco.
Kasama ni Cantada sa delegasyon sina PVF director Otie Camangian at legal counsel Atty. Jose Roy III.
‘Sa mata ng International Volleyball Federation (FIVB) kami sa PVF ang kinikilalang opisyal at tanging sports association ng volleyball sa Pilipinas,” pahayag ni PVF president Edgardo ‘Boy’ Cantada.
“Until the FIVB Congress decides on the matter, we’re still the recognized association,” aniya.
Matatandaang, pinalitan ng POC ang PVF ng Larong Volleyball ng Pilipinas Inc. ,na pinamumunuan ni Jose ‘Joey’ Romasanta bunsod umano nang hindi maayos na gusot sa liderato.
Si Romasanta na Vice President din ng POC ay kilalang malapit sa dating Tarlac Congressman.
Iginiit ni Romasanta na dumaan sa tamang proseso ang pagbuo ng LVPI at sinabing sila rin ay dadalo sa World Congress.
“May imbitasyon din kami,” sambit ni Romasanta.
Batay sa by-laws and constitution ng POC, matatangal na regular member ang isang asosasyon sa bisa ng three-fourth vote ng POC General Assembly na binubuo ng 49 voting sports.
Sa kaso ng PVF, walang naganap na desisyon ang General Assembly.
‘Sabi nila recognized sila ng FIVB, siguro talagang malakas ang impluwensiya nila pero hindi papayag ang FIVB sa ilegal na proseso,” sambit ni Cantada. (EDwin rollon)