HANOI — Bubuo ang Pilipinas at Vietnam ng six-year roadmap para palakasin ang pagtutulungan sa kalakalan at pamumuhunan, depensa, maritime security, law enforcement, turismo, agrikultura at iba pa.
Nabuo ang kasunduan para sa mas mahigpit na economic at security cooperation sa pagpupulong nina Pangulong Rodrigo Duterte at Vietnam President Tran Dai Quang sa Presidential Palace sa Hanoi nitong Huwebes.
Bumisita si Duterte sa Vietnam nitong Setyembre 28- 29 para palakasin pa ang relasyon sa kaalyado sa Asia.
Sa joint statement na inilabas nitong Biyernes, nagkasundo ang dalawang lider “to establish a six-year Action Plan (2017-2022) to guide the implementation of activities in the areas of common interest under this new level of relations.”
Kabilang sa mga ito ang pagtatayo ng hotline communication system sa pagitan ng Pilipinas at Vietnam upang mapabilis ang pagtutulungan sa pagtitiyak ng seguridad sa karagatan sa gitna ng iringan sa South China Sea at pagpapatupad ng mga hakbang para protektahan ang mga mangingisda at mapayapang maayos ang anumang gusot.
Sa harap ng lumalagong relasyong pang-ekonomiya, nanawagan ang dalawang bansa sa mga negosyante na taasan ang bilateral trade at investments, at kikilos para pagbutihin pa ang business climate upang makaakit ng mas maraming investors sa agrikultura, food processing, tourism services, at infrastructure. Palakasin din ang pagtugis sa transnational crime, kabilang na ang illicit trade at trafficking of drugs sa rehiyon, pagpapalitan ng kaalaman at kahusayan sa intelligence, extradition at mutual legal assistance sa criminal issues.
Nangako rin ang dalawang lider na isulong ang full and effective implementation ng ASEAN Community Vision 2025.
“To these ends, both sides reiterated the importance of and emphasized the promotion of the central role of ASEAN in the regional architecture,” dagdag ng joint statement. (GENALYN D. KABILING)