Pinagtibay ng Court of Appeals (CA) ang kautusan at resolusyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) na parusahan ang isang recruitment agency na napatunayang guilty sa paglabag sa batas ng pangangalap.
Sa 11-pahinang desisyon na ipinadala sa Legal Representation Division (LRD) ng DOLE-Legal Service, kinatigan ng Fifth Division ng CA ang resolusyon ng DOLE na pinapanagot ang Bison Management Corporation (BMC) sa paglabag ng Section 2 (e) at (I) , Rule I, Part VI ng 2002 POEA Rules and Regulations.
“The Court sustained the Order and Resolution of DOLE, stating that as found by the Philippine Overseas Employment Administration (POEA), and affirmed by the Labor Secretary, there is ample evidence to prove the breach of recruitment laws,” pahayag ni DOLE-Legal Service Director Romeo Montefalco.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo nina Reynaldo at Rodelio Lapuz sa pagbalik nila ng Pilipinas noong Mayo 22, 2009. Ayon sa kanila, nagsinungaling at pinalitan o binago ng BMC ang kanilang mga kontrata sa trabaho nang walang pagsang-ayon mula sa POEA.
Noong Agosto 7, 2009, napatunayan ng POEA na nagkasala ang BMC kayat pinatawan ito ng apat na buwang suspensyon ng lisensya at pinagmulta ng P40, 000,00 para sa bawat kaso. (Mina Navarro)