BACOLOD CITY – Nagalit ang isang paring Katoliko sa Bacolod City, Negros Occidental matapos siyang makakita ng condom sa mga kit na ipinamamahagi kaugnay ng kampanya laban sa Zika virus.

Iginiit ni Most Rev. Fr. Felix Pasquin, rector ng San Sebastian Cathedral, na ang pamamahagi ng condom ay isang paraan ng pandaraya.

Nakatanggap umano ang mga residente ng Barangay Alijis sa Bacolod City ng mga anti-Zika kit mula kay Senador Risa Hontiveros. Ang mga anti-Zika kit na may kasamang mga condom ay napaulat na ipinamahagi ng Department of Health (DoH).

Bagamat pinuri ni Pasquin ang mga pagsisikap ng gobyerno laban sa Zika, itinuturing ng pari ang pamamahagi ng mga condom bilang pagsusulong ng contraception, na mariing tinututulan ng Simbahang Katoliko.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Sinabi naman ni DoH-Region 6 Director, Dr. Marlyn Convocar, na walang ipinamahaging anti-Zika kits ang kagawaran sa Bacolod City, at wala ring sinumang pinahintulutan upang gawin ito.

‘DI PARA SA FAMILY PLANNING

Sakali man na may kasama ngang condom sa mga anti-Zika kit, ipinaliwanag ni Convocar na hindi naman ito para sa pagpaplano ng pamilya, idinagdag na maaaring maisalin ang Zika virus sa apat na magkakaibang paraan.

Sinabi ni Convocar na maaaring magkaroon ng Zika kung nakagat ng lamok na Aedes Aegypti, nasalinan ng dugo ng pasyente nito, mula sa ina patungo sa kanyang sanggol, at sa pagtatalik.

Iniuugnay din ng World Health Organization (WHO) at ng iba pang medical expert sa mundo ang Zika sa microchepaly, o pagliit ng ulo at utak sa mga sanggol ng nagkaroon ng Zika.

Una nang pinayuhan ng DoH ang mga buntis at mga nagpaplanong magbuntis na umiwas sa pakikipagtalik o gumamit ng condom upang maiwasang maisalin ang Zika.

SADYANG PALABAN

Sa nakalipas na mga taon ay naging lantaran ang pagkontra ng San Sebastian Cathedral sa iba’t ibang usaping labag sa aral ng simbahan.

Noong Agosto lang, nagsabit ito ng mga poster na nasusulatan ng “Thou Shall Not Kill” sa mga tarangkahan ng simbahan laban sa kabi-kabilang pagpatay sa mga sangkot sa droga kaugnay ng kampanya ng administrasyong Duterte.

Matatandaang mariin din ang naging pagtutol ng simbahan sa pagpapasa sa Reproductive Health Bill, at nagpaskil pa ng mga pangalan ng mga kandidato sa pagkasenador noong 2013 na pabor sa kontrobersiyal na panukala at tinawag itong “Team Patay”. (EDITH COLMO at TARA YAP)