DUMALAW si Lindsay Lohan sa mga Syrian refugee sa ospital sa Istanbul noong Linggo, Setyembre 25.
Makaraang pahintulutan ng Turkey ang pagpasok ng mga Syrian refugee, naglaan ng panahon si Lohan para pumunta sa ospital sa Istanbul at matingnan ang kalagayan ng mga refugee.
Naglaan ng oras ang star ng Mean Girls sa mga bata at pamilya sa ospital, na tumakas sa Aleppo, lungsod sa Syria, na dominado na ngayon ng teroristang grupo na ISIS.
Sa post sa kanyang Instagram account, ipinakilala niya ang pamilya ng Hussein na nakaranas ng trauma sa pagtakas mula sa kanilang bansa na winasak na ng giyera.
Matapos pagaanin ang diwa ng mga Syria refugee, naiulat na nagbigay ang aktres ng mga regalo.
Sa kabila ng pagiging kontrobersiyal na adiksyon sa droga at alak ng aktres, nagsasagawa siya ngayon ng mga charitable work.
Dumalo rin siya dati sa isang charity day para sa Caudwell Children, isang organisasyon na nagpapalakas at nagbibigay inspirasyon sa mga batang may kapansanan. (MB Entertainment)