Masusing iniimbestigahan ng Quezon City Police District (QCPD) ang pagkakatuklas sa bangkay ng barangay kagawad, na kinidnap ng ilang lalaki sa Quezon City, iniulat kahapon ng pulisya.
Kinilala ni Supt. Pedro Sanchez, hepe ng QCPD-Station 10 Kamuning, ang biktimang si Julius Duenas, 37, kagawad ng Barangay Kamuning.
May dalawang tama ng bala sa ulo ang bangkay ni Duenas nang natagpuan dakong 4:00 ng umaga kahapon sa bangketa ng NIA Road sa Bgy. Pinyahan.
Base sa report ni Sanchez, dakong 11:00 ng gabi nang ini-report ng tanod na si Wilfred Presco sa pulisya na puwersahang tinangay si Duenas ng mga armadong lalaki at isinakay sa pulang kotse sa may Bernardo Park, sa likod ng Quezon City Jail.
Nabatid kay Sanchez na si Duenas ay pangunahing drug personality sa Bgy. Kamuning at hinihinalang sindikato ng droga ang dumukot sa kanya.
Nakuha naman sa bangkay ni Duenas ang dalawang basyong bala ng .45 caliber pistol, wallet na may P1,000 cash, ID ng barangay, placard na nasusulatan ng “Pusher ‘wag tularan”, at apat na sachet ng hinihinalang shabu. (Jun Fabon)