UPANG ipaabot ang pasasalamat ng sektor ng edukasyon sa mahalagang tungkulin ng mga guro sa pagpapatupad ng mga repormang pang-edukasyon sa bansa, itinakda ng Department of Education ang pagdaraos ng magkasabay na selebrasyon para sa mga kawal ng propesyon ng pagtuturo nitong Biyernes.

Ang mga inilatag na aktibidad ay kaugnay ng pagdiriwang ng National Teachers’ Month, at idinaos sa Ateneo de Davao University sa Davao City, at sa Cuneta Astrodome sa Pasay City, na ang punong abala ay ang Department of Education Region XI at Department of Education National Capital Region (NCR), ayon sa pagkakasunod.

Ang mga rehiyong punong abala sa pagdiriwang ay naghanda ng iba’t ibang aktibidad na layuning gawing hindi malilimutan ang mga selebrasyong ito para sa mga minamahal nating guro. Kabilang sa mga ito ang mga pagtatanghal mula sa mga kilalang personalidad o celebrities, mga estudyante at mga guro. Mayroon ding mga raffle at palaro; at nariyan din ang paligsahang Teachers’ Got Talent, at maraming iba pa.

Ipinahayag ni Education Secretary Leonor Magtolis Briones ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa mga guro dahil sa walang maliw na paglilingkod ng mga ito sa pagtatatag ng mga komunidad at pagsusulong sa bansa sa pamamagitan ng pagpapabuti sa kakayahang matuto at magpalawak ng kaalaman sa kapakinabangan ng mga estudyante.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

“Being a teacher in itself is already a tremendous job. Teaching with unwavering commitment despite the odds is a true service to the country,” sabi ni Briones.

Sinabi naman ni Department of Education NCR Director Ponciano Menguito na ang masayang selebrasyon na ito ng mga guro ay isang paraan ng pagpapasalamat at pagpapamalas ng pagpapahalaga sa kanilang mga pagsasakripisyo at pagsisikap na mahulma ang pandaigdigang pagkatuto ng mga estudyante.

“Ang mga programa ng Department of Education ay hindi magkakaroon ng kabuluhan at hindi maisasakatuparan kung wala ang ating mga guro,”sinabi ni Menguito.

“Alam natin na hindi madali ang maging isang guro. Sila ay nagpapakasakit at nagsasakripisyo upang mahubog ang kahusayan ng mga mag-aaral. Kaya itinuturing natin ang mga guro na mga buhay na bayani,” dagdag niya.

Ang selebrasyon ng National Teachers’ Month ay alinsunod sa temang “Guro: Kabalikat sa Pagbabago”, upang kilalanin at bigyang-diin ang mahalagang papel ng mga guro sa paghubog ng mga lipunan sa Pilipinas. Bukod sa isang oportunidad upang bigyang-pugay ang mga guro, ang National Teachers’ Month ay isa ring pagkakataon upang papag-ibayuhin ang gawaing pagtuturo bilang isang kaakit-akit at matagumpay na propesyon, at magsulong ng malawakang suporta at tulong para sa mga guro.

Ang mga pagsisikap na ito ay alinsunod sa Department of Education Memorandum No. 139, s. 2016, o ang selebrasyon para sa 2016 National Teachers’ Month at National Teachers’ Day/World Teachers’ Day.