“COCO is priceless.”
Ito ang sagot ni Ms. Susan Roces nang tanungin ni Manay Ethel Ramos kung magkano na ang worth o value ni Coco Martin ngayong umabot na sa isang taon ang serye nilang FPJ’s Ang Probinsyano at patuloy pa ring namamayagpag sa ratings game at overloaded ang commercials ayon mismo sa marketing department ng ABS-CBN nang magtanong kami kung anu-anong mga programa ang gusto ng advertisers.
Priceless naman talaga si Coco dahil hindi lang siya artista sa serye niya kundi creative consultant pa. Isipin mo.
Bossing DMB, kasama ang aktor sa lahat ng meeting ng Team Probinsyano, nakakapagod ‘yun, huh!
Sabi nga ng mga nakakapanood, mas nauuna pa raw mapanood sa Ang Probinsyano ang mga nangyayaring krimen sa bansa katulad ng shabu laboratory na pag-aari nina Tomas (Albert Martinez) na natimbog ng mga pulis headed by Cardo (Coco).
Pagkalipas ng tatlong araw, saka naman bumulaga sa lahat ng pahayagan, TV/radio newscast ang pagkakatimbog sa pinakamalaking shabu laboratory sa Pampanga.
Sa rami ng magagandang episodes ng programa, natanong si Coco kung ano ang pinakapaborito niya.
“Lahat po talaga, napaka-meaningful lahat ng episodes at lahat ng artistang nag-guest. Pero para sa akin po ang isa sa tumatak sa akin ay ‘yung kay Cesar Montano po kasi sobra ko po siyang iniidolo bilang artista.
“Kasi nu’ng pumayag po siya para mag-guest sobrang excited po ako kasi alam kong marami akong matutunan sa kanya as an actor lalung-lalo napo na aksyon po ‘yung ginagawa ko ngayon,” kuwento ni Cardo.
Pawang magandang aral ang nakukuha ng manonood sa Ang Probinsyano, kaya ang muling tanong sa bida ay kung ano naman ang aral na napulot niya bilang pangunahing artista ng serye.
“Napakarami po, siguro bilang isang normal na tao, as a viewer at as an actor, maraming good values ang naipapakita, unang-una pagdating sa pamilya kung paano nagmamahalan, nag-iintindihan ang isang pamilya. Paano sino-solve ‘pag nagkakaproblema kami at paano ‘yung pakikipagkapwa tao ko sa labas ng aking tahanan.
“Bilang artista, na-absorb ko lahat ‘yun at may values akong natutunan at bilang pulis naman, nakikita ko ‘yung mga karapatan ng mga pulis at karapatan ng mga indibidwal na tao na napapaalam natin sa ating manonood.
“Maraming moral lesson talagang natutunan at nag-i-enjoy din kami sa ginagawa namin hindi lang para makapaglahad ng kuwento kundi para makapagbahagi sa manonood na may good values ang mga Pilipino na dapat hanggang ngayon alam ng ating mga anak at alam ng ating mga kabataan,” paliwanag ni Coco.
Ano ang mga pagbabagong mapapanood sa programa sa mga susunod na buwan o sa susunod na taon kung totoo man ang balitang hanggang 2017 pa ito?
“Actually, talagang pinaghahandaan po namin,” pagtiyak ng aktor. “Mula ngayon (Oktubre) hanggang December, 3 months ang napakatagal nang hinintay ng ating manonood ngayon po unti-unting mabubuksan ang lahat ng totoong kuwento (back story) ng mga nangyari.
“Kasi ‘yung mga nakaraan po, maraming mga isyu na tinackle tayo, maraming mga guest na nakatrabaho. Kung mapapansin n’yo po, nakita na po namin na itong three months na ‘to, dito na tatakbo kung ano ‘yung mga sekreto na itinatago ng bawat karakter.
“Kaya sisiguraduhin po namin na sa loob ng tatlong buwan, hinding-hindi kayo bibitaw kasi ito ‘yung pinakamatagal na hinihintay ng mga tao o manonood at malaman ang totoo.”
At bilang patikim sa manonood, ipinapakita na sa teaser si Tonton Gutierrez bilang ama ni Coco na isa ring pulis sa istorya na iniimbestigahan si Eddie Garcia hanggang sa napatay siya. Sa kuwento, si Manoy ang ama ni Albert at lolo naman ni Joaquin (Arjo Atayde).
Ang may hawak naman ng lihim na ito ay si Joel Torre na ama ni Yassi Pressman, ang TV reporter.
Parang to the highest level na ang mga susunod na episode, Bossing DMB, at ano pa kaya ang ipapakita sa 2017?
Samantala, abangan kung may dance number si Coco sa 1st anniversary celebration ng FPJ’s Ang Probinsyano sa Smart Araneta Coliseum sa Oktubre 8, Sabado. (REGGEE BONOAN)