Napaulat na gumagamit ang Abu Sayyaf Group (ASG) ng ilegal na droga upang himukin ang kabataan na sumapi sa grupo at magsagawa ng karahasan, pananakot at iba pang gawaing terorista, sinabi kahapon ng militar.

Ito ang natuklasan ng ilang military unit sa ZamBaSulta (Zamboanga, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi) area na lumalaban sa mga bandido.

Ayon sa militar, karaniwang kabataan ang nakakasagupa nila sa ASG at posible umanong bangag ang mga ito, partikular na sa shabu, batay na rin sa drug paraphernalia na madalas na nasasamsam sa mga gamit ng mga napatay na bandido at sa kuta ng mga ito.

Sinabi ng Joint Task Force Sulu na sa una ay libreng binibigyan ng ASG ng droga ang kabataan at kalaunan ay nire-recruit sa grupo kapag lulong na ang mga ito. Natuklasan din sa ulat na ang perang kinita sa shabu ang nagsisilbing pondo sa araw-araw na operasyon ng grupo.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Ito rin ang ibinunyag ng ilan sa mga dating bihag ng ASG, sinabing madalas na bangag ang mga nagbabantay sa kanila.

Ayon kay Herman Bin Manggak, ang huling Indonesian na pinalaya ng ASG, nasa lima hanggang pitong bandido ang nagbabantay sa kanya at personal niyang nakikita ang mga ito habang bumabatak.

Pinaniniwalaan ding ang ASG ang nasa likod ng pagkalat ng droga sa ZamBaSulta area, sa pakikipagsabwatan sa mga drug lord. (FRANCIS T. WAKEFIELD)