Kaagad na nasawi ang isang pulis, na umano’y sangkot sa ilegal na droga, makaraan siyang pagbabarilin ng apat na hindi pa nakikilalang suspek sa Malabon City, nitong Miyerkules ng gabi.
Nakahandusay at naliligo sa sariling dugo nang datnan ng mga pulis si PO1 Jeffry Ramos, 31, nakatalaga sa Navotas City Police, at residente ng Barangay Catmon, Malabon City.
Nagtamo si Ramos ng mga tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa ulo at sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa report nina PO3 Roger Gonzales at PO2 Roldan Angeles, dakong 7:00 ng gabi nang mangyari ang krimen sa Sangciangco Street sa Bgy. Niugan.
Nakatayo si Ramos sa harap ng palaisdaan nang biglang dumating ang mga armadong suspek at pinagbabaril siya.
Nakuha sa suot na jacket ni Ramos ang tatlong plastic sachet na may lamang shabu, na iginiit ng kanyang mga kaanak na posibleng inilagay lang ng mga suspek para palabasing sangkot sa droga ang biktima. (Orly L. Barcala)