Mga Laro Ngayon
(MOA Arena)
10 n.u. -- San Beda vs Arellano (jrs)
12 n.t. -- Mapua vs CSB-LSGH (jrs)
2 n.h. -- San Beda vs. Perpetual Help (srs)
4 n.h. -- Arellano vs Mapua (srs)
Naghihintay ang bagong pahina ng kasaysayan sa top seed San Beda Lions sa pakikipagtuos sa No.4 University of Perpetual Help, habang tatangkain ng Arellano University na makausad muli sa championship round sa paglarga ng cross-over semifinals ngayon sa NCAA Season 92 basketball tournament sa MOA Arena sa Pasay City.
Tangan ng Red Lions at Chiefs ang ‘twice-to-beat’ na bentahe sa serye kung kaya’t kapabayaan na lamang ang magiging mitsa para sa kanilang pagkasilat na maisaayos ang final duel.
Haharapin ng San Beda ang Perpetual ganap na 2:00 ng hapon, habang magkakasubukan ang Arellano at No.4 Mapua sa 4:00 ng hapon.
Kung sakali, ito ang ika-11 sunod na final appearance ng Red Lions sa pinakamatandang collegiate league sa bansa.
Hindi sinasadya, ang duwelo sa Perpetual ang ika-apat na sunod na pagkakataon sa playoff.
Mauuna rito, maghaharap sa dalawang pares ng semifinal duel sa juniors division ang reigning 7- peat champion San Beda Red Cubs at Arelllano Braves sa unang laro bago ang tapatan ng Mapua Red Robins at CSB La Salle Greenhills Junior Blazers sa ikalawang laban.
Kapwa may twice-to-beat advantage ang Red Cubs at Red Robins. (Marivic Awitan)