NAGDUDUMILAT ang balita: “Sayyaf arms supplier nabbed near Crame”. Maliwanag na isang gunrunning syndicate na nagdadala ng mga baril sa mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa Sulu at Basilan ang naaresto ng mga pulis sa isang pagsalakay malapit sa mismong himpilan ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame. Isa itong malaking kabalintunaan o irony, lalo na kung iisipin na halos pader lamang ang pagitan ng naturang mga sindikato at ng kampo ng mga alagad ng batas.

Mismong si PNP Director General Ronald dela Rosa ang nagpatunay na ang mga raiding team ay nakakumpiska ng high-powered firearms at mga bala na sinasabing nagkakahalaga ng anim na milyong piso. Ang nadakip na mga miyembro ng gunrunning group, na pawang Muslim, ang supplier umano ng mga armas para sa ASG at sa warlords sa Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM), kabilang na ang mga pulitiko.

At lalong nakababahala ang pahayag ni Gen. Dela Rosa: Karamihan sa mga ammunitions o bala ng baril ay malamang na nanggagaling sa arsenal o armory ng gobyerno. Maaaring dati nang nagaganap ang ganitong nakapanggagalaiting eksena na hindi natutunugan ng mga awtoridad.

Natutulog sa pansitan, wika nga! At ito rin marahil ang dahilan kung bakit ‘tila hindi nauubusan ng malalakas na armas at bala ang ASG; dahilan din ito kung bakit ‘tila hindi sila natitigatig sa sinasabing pagpulbos sa kanila ng magkasanib na puwersa ng PNP at ng Armed Forces of the Philippines (AFP), alinsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte. Lagi nilang isinisigaw: Hindi kami natatakot!

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Lalo namang pinaiigting ng Pangulo ang kanyang utos na durugin ang ASG dahil sa makahayop na gawain ng mga ito. Totoo naman, sapagkat ang naturang mga bandido ang laging naghahasik ng karumal-dumal na pagpugot at pagkidnap hindi lamang sa mga dayuhan kundi maging sa ating mga kababayan. Wala silang pinatatawad; malayang naisasagawa ang kanilang walang patumanggang kidnap-for-ransom mission sa sinasabing pakikipagsabwatan ng kanilang mga kamag-anak at ibang local leaders sa Basilan at Sulu. Wala naman umanong magawa ang kanilang mga kakuntsaba kahit na batid nila na ang mga ASG ang itinuturing na ‘biggest traitor of Islam’. Maliwanag na wala silang kinikilalang Panginoon, lalo na ang kanilang Diyos na si Allah.

Ang pagkakaaresto sa nabanggit na gunrunning syndicate sa malapit sa Camp Crame ay isang patunay na ang galamay ng ASG ay kumikilos sa Metro Manila at malamang na sa iba pang panig ng kapuluan; hindi lamang nag-iipon at namimili ng mga armas kundi nakikipagsabuwatan pa sa mga tiwaling tauhan ng AFP na namamahala sa mga government arsenal na pinanggagalingan ng mga baril na pumapatay sa ating mga sundalo. Nakababahala ang pagkaaresto sa naturang gunrunning syndicate, lalo na ang alegasyon hinggil sa government arsenal na umano’y pinanggalingan ng nakumpiskang mga baril.

(Celo Lagmay)