miriam-lang-copy

Pumanaw na si Senator Miriam Defensor-Santiago sa edad na 71. Binawian siya ng buhay 8:52 ng umaga kahapon sa St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City, Taguig dahil sa lung cancer.

“Our beacon of wisdom, intelligence and ever-present humor and good sense has flickered out,” ito ang reaksyon ni Sen. Bongbong sa pagpanaw ng batikang senador na ang bawat kumpas ng kamay at buka ng bibig ay inaabangan ng madla.

Balikan ang ilan sa mahahalagang kaganapan sa makulay na buhay ng nag-iisang Miriam Defensor Santiago.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

•Hunyo 15, 1945 – Isinilang si Miriam Palma Defensor sa Iloilo City sa mag-asawang Benjamin Defensor, isang hukom, at Dimpna Palma, isang guro. Natamo niya ang law degree, with honors, mula sa University of the Philippines Diliman noong 1969. Siya ang unang female editor-in-chief ng The Philippine Collegian, ang student paper ng UP.

•Hunyo 14, 1970—Ikinasal siya kay Atty. Narciso “Jun” Santiago, ang kanyang “shock absorber”. Biniyayaan sila ng dalawang anak na lalaki. Nagpakadalubhasa siya sa international laws sa iba’t ibang unibersidad sa mundo, naging professor, legal consultant at nagsulat ng mga libro, kabilang na ang kamakailan ay “Stupid is Forever” at “Stupid is Forevermore” na kinagiliwan ng masa. Kinilala ang kanyang husay, talino at katapangan sa buong mundo, dahilan para bansagan siyang “The Iron Lady of Asia.”

•1983-1987 – Naging Presiding Judge ng Regional Trial Court, Branch 106, Quezon City.

•1988–Ginarawan siya ng Magsaysay Award for Government Service.

•1988-1989–Nagsilbing Commissioner ng Immigration and Deportation.

•1989-1990–Siya ay naging Secretary ng Agrarian Reform.

•Mayo 1992 – Tinalo siya ni Fidel V. Ramos sa presidential elections.

•Hunyo, 1995 – Nanalo siyang Senador ng Republika ng Pilipinas at nagsilbi ng anim na taon hanggang Hunyo 2001. Muli siyang nahalal bilang senador noong Hunyo 2004 at tinapos ang huli niyang termino nitong Hunyo 30, 2016.

•Disyembre 12, 2011 – Inihalal siya bilang hukom ng International Criminal Court (ICC) para sa siyam na taong termino, ang unang Pilipino at unang Asian sa tribunal.

•Hulyo 2, 2014 – Inihayag ni Santiago na nasuri siyang may stage 4 lung cancer , at nagbiro pa na “excited” siya sa kanyang sakit. Binitawan din niya ang pagiging hukom ng ICC.

•Oktubre 15, 2015 – Nagdeklarang nagapi na niya ang cancer, naghain siya ng certificate of candidacy for president.

Si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanyang running mate.

•Mayo 31, 2016 – Isinugod siya sa Makati Medical Center at ipinasok sa intensive care unit dahil sa kumplikasyon ng kanyang sakit. Lumabas siya sa ospital makalipas ang isang linggo.

•Setyembre 2, 2016 – Ipinasok siya sa isang private room sa St Luke’s Medical Center sa Taguig City.

Setyembre 11, 2016 – “She loves all of you. She is a fighter and will continuously fight this battle!” Ito ang mensaheng ipinaskil sa Facebook ng kanyang daughter-in-law na si Mechel Santiago bilang pasasalamat sa mga nananalangin para sa paggaling ng senador. (Chel Quitayen)