Anim na babaeng mambabatas ang tumayo upang kontrahin ang pagpapalabas sa umano’y sex video ni Senator Leila de Lima, kung saan iginiit ng mga ito na bukod sa dapat manaig ang paggalang sa privacy ng kababaihan, hindi umano ito makakatulong sa isinasagawang imbestigasyon ng Kamara hinggil sa paglipana ng droga sa New Bilibid Prisons (NBP).

Ayon kina Gabriela partylist Rep. Emmi de Jesus at Kabataan partylist Rep. Sarah Elago, hindi sila pabor sa pananaw ni Speaker Pantaleon Alvarez na pabor sa pagpapalabas sa sex video sa Kongreso.

Ayon kay De Jesus, ang pagpapalabas sa sex video ay “violative of the rights of any person in any forum whether legal, inter-personal, social, professional or political.”

Binigyang diin nito na dapat ay naka-focus lang ang imbestigasyon sa government official at drug trade.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Sinabi naman ni Elago na kakausapin nila si House Committee on Justice chair Reynaldo Umali na huwag payagan ang pagpapalabas sa video, sa pagpapatuloy ng pagdinig sa Oktubre 5.

“Dahil ito po ay kalabisan, hindi na dapat bigyan pa ng oras at atensyon. Dapat i-focus natin ang ating resources sa ongoing investigation,” ayon kay Elago.

Sa panig naman ni Batangas Rep. Vilma Santos-Recto, sinabi nito na hahayaan na lang umano ang isyu sa komite, gayunpaman, naniniwala siya na ang komite ni Umali ay magbibigay ng proteksyon sa privacy ng kababaihan.

Ang pagkakaroon ng sex video ay itinanggi na ni De Lima, gayunpaman, sinabi kamakailan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na hihilingin nito sa Kamara na ‘ipalabas ang tatlong sex video ni De Lima at drayber nitong si Ronnie

Dayan,’ upang lumitaw ang koneksyon ng Senadora sa illegal drug trade sa NBP. Magugunita na sinabi rin ng mga inmates sa Kamara na si Dayan ang kumukolekta ng drug money mula sa drug lords sa NBP, na ginamit naman umano bilang campaign fund ni De Lima.

Ang testimonya ay mahigpit na pinabulaanan ni De Lima, kung saan binigyang diin nito na ang mga ebidensya laban sa kanya ay parang peluka ni Aguirre, peke at cosmetics lamang.

Samantala sinabi naman ni Senator Grace Poe na labag sa Republic Act 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 ang pagpapalabas sa sex video.

Ang pahayag ni Poe ay inayunan din nina Senators Nancy Binay at Rissa Hontiveros na nagsabing hindi makakatulong ang pagpapalabas nito sa anumang nais na gawing batas.

“It will serve no legal and practical purpose as the law makes such unlawful act of showing inadmissible in evidence in any judicial, quasi judicial, legislative or administrative hearing or investigation,” ani Poe.

Sinabi naman ni Binay na sana lumakas pa ang loob ni De Lima dahil hindi biro ang pinagdadaanan nito at naranasan na ito ng kanyang pamilya.

“It is terrible. I don’t see how the showing of fake sex videos will promote the interest of truth and justice,” ayon naman kay Hontiveros. (Charissa M. Luci at Leonel M. Abasola)