NANGYARI na rin ang matagal ko nang agam-agam sa malawakang kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa sindikato ng ilegal na droga sa bansa — ang gawin itong sangkalan ng ilang grupo o mga pulis mismo para ikubli ang sarili nilang krimen.

Salamat na lang at may mga makabagong teknolohiya, gaya ng closed circuit television (CCTV) na madalas na nakalilimutan ng mga kriminal na nasa mga paligid lang at nakamasid pala sa kanila habang inire-record ang kabuuan ng kabuktutang ginagawa nila.

Gaya ng kaso ni Mark Anthony Culata, isang 27-taong gulang na OFW na tubong Cavite na nagbalikbayan para magbakasyon lang ng ilang buwan, ngunit biglang nawala at nang matunton ng kanyang mga mahal sa buhay ay isa nang malamig na bangkay sa morge ng isang punerarya sa Tanza, Cavite. Ang masakit pa rito, nasa tabi pa ng labi ni Culata ang isang cardboard na may nakasulat na: “Pusher Ako, ‘Wag Tularan!”

Ayon sa pamilya ni Culata, sakay sa kanyang motorsiklo nang umalis ang binatang OFW noong umaga ng Setyembre 8, 2016 para gumimik kasama ng kanyang mga barkada, ngunit mula noon ay hindi na siya muling nakabalik sa bahay. Nang tumagal ng ilang araw pa ay nagsimula nang mangamba at maghanap ang pamilya ni Culata at natagpuan nga siyang bangkay na sa isang punerarya — itinumba ng mga vigilante na laban daw sa ipinagbabawal na gamot.

Hindi ito matanggap ng mga kamag-anak ni Culata kaya naghanap sila ng ebidensiya, at hindi naman sila nabigo. May nagbigay sa kanila ng video na kuha ng isang CCTV sa lugar kung saan na-checkpoint ang naka-motorsiklong si Culata at sapilitang dinala ng apat na pulis na malinaw na nakilala agad sa video. Matapos ma-checkpoint ay nawala na lamang si Culata, ngunit nang muling lumitaw ay isa na siyang de-cardboard na bangkay — biktima ng giyera laban sa droga ng PNP.

Ito ang malinaw na motibo sa pagkakapatay kay Culata: ang isa sa apat na pulis na nakita sa video na kumuha kay Culata ay boyfriend daw ng dating girlfriend ni Culata bago siya nangibang-bansa para magtrabaho, ngunit muling nakipagkita sa kanya ang babae nang siya ay magbalikbayan.

Ang pagtatagpong ito ng dating magkasintahan ay ikinagalit umano ng pulis na siyang nagplano kung paano aalisin sa landas nila ng kanyang kasintahan ang nagbalikbayang si Culata.

Hindi ko muna papangalanan ang pulis na tinutukoy na utak sa pagkaka-salvage kay Culata, habang masusing iniimbestigahan pa ng PNP ang kasong ito.

(Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]) (Dave M. Veridiano, E.E.)